Defensor3

Pangarap ni VP Sara na maging Pangulo sa 2028 lumalabo — Defensor

Mar Rodriguez May 6, 2026
30 Views

HINDI imposibleng sa “kangkungan” damputin ang pangarap at plano ni Vice President Sara Duterte na maging susunod na Pangulo ng Pilipinas sa darating na 2028.

Lumalabo ang inaasam na Presidential bid ni VP Sara para sa 2028 Presidential elections, bunsod ng lumiliit na kalamangan nito sa pagka-Pangulo batay sa pinaka-huling resulta ng Pulse Asia at OCTA Research survey, ayon kay House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz R. Defensor.

Binigyang diin ni Defensor na ito ay dahil tumataas din ang kamalayan ng mayorya ng mamamayang Pilipino tungkol sa mga kasong ikinukulapol laban kay VP Sara na nakapaloob sa isinampang impeachment complaint laban sa kaniya.

Sinabi pa ng Iloilo solon na ang lalo pang nagpalala sa sitwasyon ni Duterte ay ang mga naktuklasang korapsiyon na kinasangkutan nito batay sa testimonya ng ilang resource person sa impeachment hearing at ang pananahimik naman nito sa mga alegasyon.

“Posibleng bumaba ang rating ng Vice President dahil wala siyang sagot sa impeachment. Tandaan nito, maraming Pilipino ang naonood ng TV, YouTube at nakikinig sa radyo ng live ng pagdinig ng House Committee on Justice,” ani Defensor.

Ikinatuwiran pa ni Defensor na maraming Pilipino ang nakakapanood ng impeachment hearing ng Justice Committee kaya kitang-kita umano ng kanilang mga mata ang mga akusasyon ng korapsiyon na kinasangkutan ni VP Sara.

Pagbibigay diin pa ng kongresista na habang mas dumarami ang lumalabas na ebidensiya na sumusuporta sa alegasyon laban kay Duterte kaugnay sa maling paggamit nito ng pondo ng bayan, panunuhol, korapsiyon at pagbabanta mas maraming Pilipino ang natatauhan at naliliwanagan ng isip.

“Habang mas maraming ebidensiya ang lumalabas na hindi sinasagot ni Vice President Sara. Kahit paano mas nauunawaan ng mga kongresista at ng mga Pilipino kung ano ang laman ng ebidensiya, kaya siguro bumaba ang kaniyang rating,” sabi pa nito.