News

Korte sa QC binasura hiling na ipatigil impeachment proceedings ng Kamara vs VP Sara

35 Views

Pic3Pic4Pic5IBINASURA ng isang Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City ang petisyong inihain ng abogado na si Manases “Mans” Carpio upang ipatigil ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanyang asawang si Vice President Sara Z. Duterte.

Ayon sa korte, hindi maaaring makialam ang hudikatura sa paggamit ng House of Representatives ng kapangyarihan nitong magsagawa ng impeachment na ipinagkaloob ng Konstitusyon.

Tinanggihan din ng Quezon City RTC Branch 81 ang kahilingan ni Carpio para sa isang writ of preliminary injunction laban kina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, House Committee on Justice (HCOJ) chair at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Reyes-Luistro, at Bureau of Internal Revenue Commissioner Charlito Martin R. Mendoza.

Sa limang pahinang kautusan na may petsang Mayo 6, 2026 at isinulat ni Presiding Judge Madonna C. Echiverri, ibinasura ng RTC dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ang petisyon ni Carpio para sa prohibition na may kahilingang maglabas ng writ of preliminary injunction.

“Ang petisyon para sa prohibition ay IBINABASURA dahil sa kawalan ng hurisdiksyon. Ang kahilingan para sa paglalabas ng writ of preliminary injunction ay TINATANGGIHAN,” ayon sa desisyong natanggap ng House of Representatives.

Layunin ng petisyon na pigilan ang House justice panel sa pagpapatupad ng mga subpoena at sa pagpapatuloy ng mga hakbang kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte, lalo na matapos hingin ng komite ang mga tax record at iba pang dokumentong umano’y may kaugnayan sa Bise Presidente at sa kanyang asawa.

Ngunit sinabi ng RTC na lehitimong ginagamit ng House panel ang mga kapangyarihang ipinagkaloob dito ng Konstitusyon at hindi ito maaaring pigilan sa pamamagitan ng prohibition o injunction.

“Hindi inaagaw ng mga respondent ang kapangyarihan kundi sa katunayan, bilang mga miyembro ng HCOJ, sila ay itinatag ng batas upang tukuyin ang kasapatan ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente at sa kalaunan ay alamin kung may probable cause para ihain ang kaso sa Senado,” ayon sa kautusan.

Binanggit ng korte ang Article XI ng 1987 Constitution at binigyang-diin na ang House of Representatives ang may “eksklusibong kapangyarihan na magsimula ng lahat ng kaso ng impeachment.”

Pinagtibay rin ng desisyon ang kapangyarihan ng komite na maglabas ng subpoena, at sinabing bahagi ito ng likas nitong awtoridad sa pagsasagawa ng impeachment proceedings.

“Kaya naman, ang paglalabas ng subpoena duces tecum ad testificandum ay likas na kapangyarihan ng Komite, na balidong nilikha ng batas, upang epektibong maisagawa ang konstitusyonal na mandatong ito sa pagdaraos ng mga pagdinig,” ayon sa korte.

Tinanggihan din ng RTC ang argumento ni Carpio na walang hurisdiksyon ang House panel sa kanya o sa mga dokumentong umano’y may kaugnayan sa kanya at sa Bise Presidente.

“Ang prohibition ay ipinagkakaloob lamang laban sa mga umaagaw ng kapangyarihan o sa mga gumagamit ng kapangyarihang hindi ipinagkaloob ng batas,” ayon sa desisyon.

Pinanindigan din ng korte na hindi maaaring gamitin ang injunction upang pigilan ang House panel sa pagtupad sa mga tungkuling ipinagkaloob dito ng Konstitusyon.

“Ang pagpigil sa mga pampublikong opisyal sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa pagtukoy ng kasapatan ng impeachment complaint ay katumbas ng pagpigil sa nasabing lupon na gamitin ang kanilang quasi-judicial o ministerial na mga tungkulin,” ayon sa kautusan.

Tinanggihan din ng korte ang mosyon ni Carpio na hilinging kilalanin ng RTC bilang judicial notice ang mga ulat sa pahayagan at mga video sa YouTube na may kaugnayan sa mga pagdinig ng Kamara.

“Ang mga artikulo sa pahayagan ay itinuturing na ‘hearsay evidence, twice removed’ at samakatuwid ay hindi lamang hindi katanggap-tanggap bilang ebidensya kundi wala ring anumang probative value, tutulan man ito o hindi,” ayon sa korte.

Sa isang mahalagang bahagi ng desisyon, sinabi ng RTC na dapat sana’y sa Korte Suprema inihain ang petisyon dahil ang mga respondent ay kumikilos bilang bahagi ng isang kapantay na sangay ng gobyerno.

“Sa kasong ito, ang mga respondent ay kumikilos sa kanilang opisyal na kapasidad bilang bahagi ng HCOJ, isang kapantay na sangay ng gobyerno, kaya naman ang kasong ito ay dapat sana’y inihain sa Korte Suprema,” ayon sa kautusan.

Dumating ang desisyon ng korte matapos unanimous na makita ng House Committee on Justice ang probable cause upang ma-impeach si Duterte at aprubahan ang kaukulang Articles of Impeachment para isumite sa plenaryo, na inaasahang boboto sa impeachment articles sa Mayo 11.