Calendar
New Taipei City Mayor pinarangalan 2 OFWs
DAHIL sa dedikasyon sa trabaho, dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan ang pinarangalan sa 2026 New Taipei Annual Awarding Ceremony noong Abril 30, 2026 sa New Taipei City Hall bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day.
Iginawad ni New Taipei City Mayor Hou Yu-ih ang parangal kina Ronnel Tomas De Lumban ng Din Tai Fung at Beverly Genobiagon Lagarto ng Garmin Corporation.
Ayon kay Migrant Workers Office (MWO)-Taipei Labor Attaché Atty. Alejandro Padaen, ipinakita ng dalawang OFW ang sipag, pagiging responsable at kahusayan sa kanilang mga tungkulin.
Kinilala si De Lumban sa kanyang positibong pag-uugali, maayos na pakikitungo sa mga kasamahan at pagiging mentor sa mga bagong empleyado.
Nagsisilbi rin siyang dormitory supervisor kung saan tumutulong siya sa pagpapatupad ng kaayusan at disiplina sa kanilang tinutuluyan.
Pinarangalan naman si Lagarto dahil sa kanyang ambag sa assembly, testing, at packaging operations ng kanilang kompanya, pati na rin sa pagtulong bilang interpreter sa pagitan ng mga Taiwanese supervisors at mga manggagawa.
Ayon sa pamahalaan ng New Taipei City, layunin ng taunang pagkilala na hikayatin ang mga manggagawa na patuloy na paghusayin ang kanilang kakayahan para sa kanilang propesyonal at personal na pag-unlad.
Ang pagkilala sa kanilang mga gawain ay nagbibigay-diin sa halaga ng pagtutulungan at pagbibigay ng suporta sa kapwa OFW na nagsisilbing inspirasyon sa buong komunidad.
