Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
ASEAN

Mga ASEAN lider pinag-uusapan pagbuo ng regional fuel reserve

24 Views

INIHAYAG ni Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-uusapan na ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations ang pagbuo ng regional fuel reserve upang mapalakas ang energy security ng mga bansang miyembro sa harap ng pandaigdigang krisis sa langis.

Sa press conference matapos ang 48th ASEAN Summit sa Cebu City, sinabi ng Pangulo na kahalintulad ito ng emergency rice reserve system ng ASEAN kung saan nagtutulungan ang mga bansa kapag may kakulangan sa suplay.

“The one thing that we talked about that concerned fuel supply was a fuel reserve,” ani Marcos.

Ayon sa Pangulo, pinag-aaralan ng ASEAN ang pagbuo ng reserves para sa iba’t ibang uri ng fuel mula crude oil hanggang jet fuel at refined petroleum products.

Ipinaliwanag din niya na magkakaiba ang sitwasyon ng bawat bansa pagdating sa fuel supply—may ilan na may sobra habang ang iba naman ay kapos—kaya nais itong balansehin sa pamamagitan ng regional cooperation.

Binanggit din ni Marcos ang posibilidad ng pagkakaroon ng emergency supply buffer sakaling magkaroon muli ng digmaan o pagsasara ng mahahalagang trade routes tulad ng Strait of Hormuz.

“But beyond that is the reserve, so that we have something in reserve,” saad ng Pangulo.

Sa kabila nito, nilinaw ni Marcos na magpapatuloy pa rin ang bawat bansa sa sarili nilang fuel arrangements habang unti-unting binubuo ang posibleng ASEAN-wide reserve mechanism.