Garin1

Garin tinugon muling pagbanggit sa kontrobersiya ng Dengvaxia

29 Views

TUMUGON nitong Linggo si Deputy Speaker Janette Garin sa muling pagbanggit sa kontrobersiya ng Dengvaxia matapos ang isang Mother’s Day greeting na ipinost ni Leandro Leviste, kinatawan ng Unang Distrito ng Batangas, na may pahaging umano sa naturang isyu.

Sinabi ni Garin na ang mga pagtatangkang buhayin muli ang kontrobersiya ng Dengvaxia ay maaaring maglihis ng atensyon mula sa mas malalaking hamon sa pampublikong kalusugan na kinaharap ng bansa noong mga nakaraang taon.

“Ang takot na dulot ng Dengvaxia ay naging distraksiyon mula sa mas mahahalagang hamon sa pampublikong kalusugan noong nakaraang administrasyon. Nakakalungkot na patuloy pa ring may mga pagtatangkang buhayin muli ang isyung ito sa kabila ng malinaw na katotohanang naibasura na ang mga kasong isinampa laban sa akin,” ani Garin.

Ipinahayag din niya ang kanyang pagkabahala sa patuloy na pagkalat ng mga hindi beripikadong pahayag at testimonya na may kaugnayan sa kontrobersiya.

“Nakababahala rin na ginagamit pa rin ang mga hindi beripikadong autopsy at kuwestiyonableng testimonya sa pagtatangkang sirain ang aking reputasyon. Gayunpaman, nananatili kaming nakatuon sa katotohanan at patuloy naming haharapin ang mga isyung ito sa pamamagitan ng mga katotohanan at tamang proseso,” dagdag niya.

Nagpasalamat din si Garin sa Mother’s Day greeting ni Leviste.

“Kasabay nito, nagpapasalamat ako kay Cong. Lean para sa Mother’s Day greetings. Malapit iyan sa puso ko,” ani Garin.