Hot News

Iba pang mga opisyal may subpoena din kaugnay ng EJKs

Edd Reyes May 11, 2026
23 Views

Sec. RemullaKINUMPIRMA ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naisilbi na araw ng Lunes ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang subpoena kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Si Dela Rosa ay pinadalhan ng subpoena para magtungo sa tanggapan ng CIDG sa Camp Crame kaugnay sa isinasagawang pagbubukas muli ng imbestigasyon sa mahigit 100 reklamo ng malawakang pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga, partikular sa Davao Region.

Sa kanyang pagbisita sa Valenzuela City Lunes ng umaga para saksihan ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa para sa ligtas na lungsod, sinabi ni Remulla na hindi lamang si Dela Rosa ang padadalhan nila ng subpoena kundi may iba pang mga dati at kasalukuyang opisyal na itinuturong may kinalaman sa extra judicial killings noong alkalde pa hanggang maging pangulo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, hindi muna pinangalanan ng kalihim ang mga taong padadalhan nila ng subpoena bagama’t malalaman din naman aniya ito ng publiko sa mga susunod na araw.