Bato nakisakay sa bagong SP, di kay Sen. Pia

120 Views

SINABI ni Senate President Alan Peter Cayetano na sa kanya nakasakay si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nang magtungo ito sa Senado, at hindi kay Senadora Pia Cayetano, habang nililinaw ng Senado ang magkakaibang pahayag kung paano nakapasok si Dela Rosa sa kapulungan sa gitna ng napaulat na ICC warrant issue.

Ginawa ni Cayetano ang paglilinaw matapos tanggihan ni Senadora Pia Cayetano ang pampublikong pahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na nagmungkahi na ginamit ni Dela Rosa ang kanyang sasakyan upang makapasok sa Senate premises.

“Let me state this clearly and unequivocally. That statement is false. Senator Dela Rosa did not ride in my vehicle, nor did I have anything to do with facilitating his presence in the Senate last Monday,” sabi ni Pia Cayetano sa isang manifestation.

Sinabi ni Pia Cayetano na wala siyang alam na dadalo si Dela Rosa sa sesyon, at nalaman lamang niya ang presensya nito nang sabihin ni Senate President Alan Peter Cayetano sa plenaryo na mayroon silang numero at naroon si Dela Rosa.

“Hindi ko nga alam na darating siya,” sabi niya.

Sinabi niya na nagulat siya sa alegasyon tungkol sa kanyang sasakyan at kinuwestiyon kung na-verify muna ni Lacson ang impormasyon bago ito sinabi sa publiko.

“Ang katanungan ko po, Mr. President, nag-abala ba kayo mag-double check bago niyo yan sinabi sa public?,” sabi niya.

Ayon kay Pia Cayetano, kahit may qualification ang pahayag, nagbigay ito ng impresyon na direkta siyang sangkot sa pagpapasok kay Dela Rosa sa Senado.

“So kung paano nadamay ang kotse ko is a mystery to me, dear colleagues and the public,” sabi niya.

Matapos ang manifestation ni Pia Cayetano, sinabi ni Senate President Cayetano na hindi na niya ire-refer ang usapin sa anumang komite matapos humingi ng paumanhin si Lacson at tanggapin ito ni Pia Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na naging sensitibo ang usapin dahil nagkaroon ng kalituhan sa timeline at may mga nag-isip na maaaring may mali sa pagsakay.

“If I may just interject that it might seem innocent, Senator Lacson, but to those who are commenting, they think it’s a crime even because people got confused with the timeline,” sabi ni Cayetano.

Nilinaw ni Cayetano na sa kanya nakasakay si Dela Rosa at hindi niya sinabi kay Pia Cayetano o sa maraming miyembro ng bagong mayorya na dadalo si Dela Rosa sa sesyon.

“I told the media after my sister speaks, sa akin siya nakasakay and I did not tell my sister and I did not tell many of the members in the majority that he will attend. Ang sabi ko lang please be there,” sabi ni Cayetano.

Sa naunang press briefing, sinabi ni Cayetano na may kaayusan nang ginawa para makadalo si Dela Rosa sa sesyon at nagulat siya nang pumasok ang senador na hingal at tumatakbo.

“We made the arrangement for him to get here. And that’s obvious because nung nagsalita ako, sabi ko we have 13 and Sen. Dela Rosa will come in,” ani Cayetano.

“That’s why nagulat ako nung pumasok na humihingal tumatakbo kasi sabi ko you don’t have to come in dramatically. Yun pala hinahabol na ng mga ahente ng NBI,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na walang krimen sa pagpapasakay sa kapwa senador.

“Mag-hitch ba ng ride ngayon? Bawal na?” sabi niya.

Nagdagdag ang paglilinaw ng panibagong detalye sa debate sa Senado kaugnay ng protective custody ni Dela Rosa, ang napaulat na tangkang pag-serve ng ICC-related warrant, at ang proseso ng kapulungan sa legal na usaping kinasasangkutan ng isa sa mga miyembro nito.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na dapat payagan ang sinumang indibidwal na gamitin ang lahat ng legal remedies bago sumuko, at tutulungan ng Senado ang mga awtoridad kung may legal at legitimate warrant mula sa Philippine court matapos maubos ang mga remedyong ito.