Sotto

Panghaharang ng Duterte supporters sa sasakyan ni Sotto ikinabahala ng SPD

Edd Reyes May 14, 2026
51 Views

NABAHALA ang Southern Police District (SPD) sa panghaharang ng mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa sasakyang minamaneho ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Ayon sa SPD, nauunawaan nila ang sentimyento sa umano’y walang kaayusan ng mga lumahok sa rally nang harangin ang sasakyan ng senador.

Siniguro nila sa publiko na ang pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng lahat ng indibiduwal ang prayoridad ng organisasyon ng kapulisan, lalu na sa mga nagaganap na rally at kilos protesta.

Sinabi ng SPD na nagsasagawa na sila ng malalalimang imbestigasyon upang alamin kung ano ang ginawang aksiyon ng mga nakatalagang pulis sa lugar nang mangyari ang insidente.

Magsasagawa daw sila ng mga hakbang at kinakailangang aksyon na batay sa resulta ng imbestigasyon upang matiyak na may mananagot sa pangyayari.

Nagpaalala rin ang SPD sa mga rallyista na panatilihin ang pagtitimpi, pagbibigay ng respeto at kumilos ng naaayon sa batas dahil pinoprotektahan naman ng mga pulis ang mapayapang pagtitipon.

Una ng kinondena ni Sen. Sotto ang panghaharang ng mga supporters ni Duterte sa kanyang sasakyan nang lumabas mula sa gusali ng Senado.

Binato daw ng bote at kinalampag ng mga rallyista ang kanyang sasakyan habang nakamasid lamang ang mga pulis at walang ginawa sa mga nanggugulo.