Articles

Articles of Impeachment vs VP Sara pormal ng naipadala sa Senado — Garafil

Mar Rodriguez May 14, 2026
56 Views

PORMAL ng ipinadala ng Kamara de Representantes sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Z. Duterte, ayon kay House Secretary General Atty. Cheloy E. Garafil.

Sinabi ng House Secretary General na naging maayos at alinsunod sa 1987 Philippine Constitution ang proseso ng pagpapadala ng nasabing reklamo sa Mataas na Kapulungan.

Dahil dito, opisyal na natanggap ng Senado ang mga dokumento ng impeachment, pahayag pa ni Atty. Garafil, bandang 7:22 ng gabi, ilang sandali bago naganap ang putukan sa loob ng hallway kasunod ang pagsiklab ng kaguluhan bunsod ng mga ulat na aarestuhin si Senator Ronaldo “Bato” dela Rosa.

Natapos na ng Kamara de Representantes, dagdag pa ni Garafil, ang proseso ng pagpapadala o transmittal sa isang maayos na paraan sa kabila ng maraming pangyayari at mainit na politika kaugnay sa inihaing impeachment complaint.

“Ang pagapapadala ng Articles of Impeachment sa Senado kagabi ay matagumpay at maayos na naisagawa sa kabila ng maraming magkakasabay na pangyayari,” ani Garafil.

Sabi pa nito na: “sa buong proseso nananatiling nakatuon ang House of Representatives sa tapat at propesyunal na pagtupad sa tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon ng walang anomang abala”.

Inilabas ang pahayag ni Atty. Garafil matapos akusahan ni Senator Imee Marcos ang Kamara na Sadyang itinitigil ang paglilitis dahil sa pagbabago ng liderato sa Senado.

Naghanda ang House Secretariat ng 27 printed copies ng Committee Report No. 261 hinggil sa House Resolution No. 989 na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Duterte kasama ang 27 flash drives na naglalaman ng mga electronic copies nito.

Sabi pa ni Garafil na tuloy-tuloy ang trabaho ng Kamara upang matiyak ang tamang produksiyon, beripikasyon at opisyal na pagsusumite ng mga dokumento.

𝗧𝗼 𝗚𝗼𝗱 𝗯𝗲 𝘁𝗵𝗲 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆