Senate

SP: Impeachment di ide-delay, impeachment court ico-convene Lunes

47 Views

SINABI ni Senate President Alan Peter Cayetano na magco-convene ang Senate impeachment court sa Lunes, Mayo 18, alas-3 ng hapon, habang iginiit niyang hindi ide-delay ng kapulungan ang proceedings sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Binasa ni Cayetano sa mga reporter ang liham para sa House of Representatives, kung saan sinabi niyang tinanggap na ng Senado ang impeachment case at kikilos ito alinsunod sa rules nito.

“The impeachment court shall be convened on May 18, 2026, 3 p.m.,” sabi ni Cayetano.

Sinabi niya na susundin ng Senado ang rules at Konstitusyon, at ang anumang timetable ay ibabatay sa mga kailangang hakbang sa impeachment process at hindi sa personal na pasya.

“So walang delay. So ano na sa rules, ano na sa constitution yan,” sabi ni Cayetano.

“What we’re doing now after the meeting, we’re going to make a draft calendar. So the calendar will not be based on anything that is discretionary. It will be based on objectivity,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, ang unang hakbang kapag nag-convene ang impeachment court ay siya muna ang magsisilbing presiding officer, kasunod ang pag-isyu ng summons at pagpapatuloy ng proseso.

“So ano mangyayari pag nag-convene, may motion to convene, ako muna mag-a-hold as presiding officer of the impeachment court,” sabi niya.

“After that our job is to issue the summons,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na nagkasundo ang mga senador sa majority bloc na dapat matuloy ang trial, bagama’t nilinaw niyang hindi siya maaaring magsalita para sa lahat ng senador.

“We should have the trial and walang isa man nagsabi hindi mag-trial,” aniya.

“Sa 13 walang nagsabing ayaw ko trial,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na kokonsultahin pa niya ang minority bloc at iba pang senador tungkol sa procedural concerns, kabilang ang magiging iskedyul ng trial days at committee work.

“The bigger question for me is, Monday to Wednesday full day and then Thursday may committee hearings or is it Monday to Thursday half-day hearings,” sabi niya.

Ayon kay Cayetano, kailangang balansehin ng Senado ang impeachment proceedings at iba pang legislative work, ngunit sinabi niyang walang dahilan para hindi mag-convene ang impeachment court at simulan ang proseso.

Sinabi rin niya na ang mga desisyon sa proceedings ay dapat ibatay sa legal grounds, truth at evidence.

“There always has to be legal grounds and I will decide based on truth and evidence,” sabi niya.

Pormal nang naipadala ng House of Representatives sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, kaya napunta na sa upper chamber ang kaso para sa trial.