Calendar
Tulfo: Miyembro ng minorya umalis bago nagkaputukan
UMALIS ang mga miyembro ng Senate minority bago ang putukan noong Miyerkules dahil ang pulong matapos ang session ay hindi na all-member caucus kundi caucus para lamang sa majority, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.
Ayon kay Tulfo, wala nang dahilan para manatili ang minority senators dahil hindi sila kabilang sa caucus ng majority.
“All-majority caucus na lang ang tawag nila kaya umalis ang minority. Anong gagawin natin? Hindi naman kami kasama sa caucus ng majority,” sabi ni Tulfo.
Itinanggi ni Tulfo ang mga mungkahing may advance knowledge ang minority senators na magkakaroon ng tensyon o karahasan sa Senado.
Nang tanungin kung may natanggap na mensahe ang minority senators na umalis sa Senate premises dahil posibleng magkaroon ng gulo, sinabi ni Tulfo na nalaman lamang nila ang insidente matapos na silang makaalis.
Nanawagan si Tulfo ng mas malalim na imbestigasyon sa shooting incident.
Hindi makatarungang mag-speculate dahil may magkakaibang salaysay ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms at National Bureau of Investigation, ayon sa kanya.
Dapat lubos na maipaliwanag ang insidente dahil sa pinsalang idinulot nito sa imahe ng Senado at ng Pilipinas sa harap ng international community, sabi ng senador.
Binanggit din ni Tulfo ang mga ulat na si GSIS President and General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso ay humingi ng tulong sa NBI upang tumulong sa pag-secure ng GSIS premises.
Sinabi ni Tulfo na dapat isama ito sa imbestigasyon dahil hindi dapat awtomatikong ituring na pagtatangkang arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang presensya ng NBI personnel kung sila ay tumutugon sa hiling ng GSIS.
Sinabi rin niya na dapat masakop ng imbestigasyon ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms, na nangangasiwa sa seguridad ng Senado.
Ayon kay Tulfo, lumalabas na hindi agad nalaman ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pag-alis ni Dela Rosa hanggang late morning.
“Parang kept in the dark din ang Senate President,” sabi niya.
Inalok si Dela Rosa ng Senate protective custody kasunod ng mga ulat tungkol sa International Criminal Court-related warrant.
Itinanggi ni Tulfo ang usap-usapan tungkol sa panibagong hakbang para patalsikin si Cayetano bilang Senate President.
Inamin niya na manipis ang bilang ng minority, ngunit sinabi niyang dapat tutukan ang kasalukuyang kalagayan ng Senado at ang pangangailangang maibalik ang tiwala sa institusyon matapos ang shooting incident.
Sinabi niya na hindi sa iisang tao ang kanilang loyalty kundi sa sambayanang Pilipino.
“Tao ang bumoto sa amin, hindi isang political party, hindi isang tao. So may responsibilidad kami,” dagdag niya.
Tungkol sa impeachment issue, sinabi ni Tulfo na hindi siya maglalabas ng maagang pahayag at ibabatay niya ang kanyang posisyon sa facts and evidence.
Sinabi niya na uupo bilang mga hukom ang mga senador sa impeachment trial, ngunit huhusgahan din ng publiko kung paano nila gagampanan ang kanilang tungkulin.

