Calendar
Sina Party-list Reps. Chel Diokno (Akbayan), Leila De Lima (Mamamayang Liberal), at Percival Cendaña (Akbayan) ay humarap sa media matapos ang kanilang pagdalo noong Biyernes ng umaga sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanila, kasama si Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at ilan pang iba, ni Atty. Manases Carpio dahil umano sa paglabag sa Anti-Money Laundering Act, mga batas sa bank secrecy, at Data Privacy Act. Nag-ugat ang kaso sa pagbubunyag ng AMLC financial records ng mag-asawang Duterte sa pagdinig ng House Committee on Justice hinggil sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Source: House of Representatives
De Lima, Diokno, Cendaña pinuna reklamo ni Carpio
KINONDENA ng mga mambabatas mula sa minorya na sina Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list at mga kinatawan ng Akbayan Party-list na sina Percival Cendaña at Chel Diokno ang reklamong isinampa laban sa kanila ni abogado Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte.
Tinawag nila itong “harassment” at ipinagtanggol ang pagbubunyag ng mga rekord ng bank transactions ng bise presidente sa mga pagdinig ng impeachment bilang legal at naaayon sa batas.
Humarap ang tatlong mambabatas sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Biyernes para sa paunang imbestigasyon kaugnay ng alegasyong nilabag nila ang Bank Secrecy Law at Anti-Money Laundering Act matapos nilang hilinging ma-subpoena ang mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kinalaman kina Duterte at Carpio.
“Panlilihis lang talaga ito sa mga tunay na issue. Para sa amin, harassment ‘yan,” ani De Lima.
Binanggit din niya na bukod sa kanila, nagsampa rin si Carpio ng reklamo laban kay Committee on Justice Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), AMLC, at maging ng Securities and Exchange Commission (SEC).
“Alam naman nila ‘yan lalo na kami, kaming mga miyembro ng Committee on Justice, mga miyembro ng Kamara, wala naman kaming nilabag na batas dito,” dagdag niya.
Iginiit ni De Lima na kumilos ang mga mambabatas ayon sa kanilang kapangyarihan sa panahon ng impeachment proceedings, lalo na sa paghiling ng AMLC documents na may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth at mga discrepancy sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
“Wala pong katuturan itong ganitong kaso,” sabi ni De Lima, at nagbabala na maaari silang magsampa ng countercharges para sa damages, malicious prosecution, at maging perjury kung maibasura ang reklamo.
Samantala, inilarawan naman ni Cendaña ang mga kaso bilang bahagi ng tinawag niyang “classic Duterte moves.”
Sinabi naman ni Diokno na kumpiyansa sila sa kanilang legal na posisyon at nagbabala laban sa paggamit ng batas bilang sandata upang patahimikin ang mga opisyal at mamamayang naghahangad ng pananagutan mula sa mga nahaharap sa seryosong alegasyon ng malversation, bribery, at unexplained wealth gaya ng bise presidente.
“We are fully confident of our legal position. At nananawagan din tayo sa lahat na dapat i-push natin palagi na gamitin ang batas para lang sa mga makatao at makatarungang bagay,” ani Diokno.
Binigyang-diin din ng mga mambabatas mula sa minorya na may obligasyong konstitusyonal ang Senado na ituloy ang impeachment trial, lalo na ngayong natanggap na nito ang articles of impeachment.
“There should be [a trial]. Dapat lang. Kasi ‘yan mismo ang utos ng ating Saligang Batas na ‘pag natanggap ang articles of impeachment, walang choice ang Senado kundi litisin ang kaso,” sabi ni Diokno.
“When the Constitution says conduct a trial forthwith, ibig sabihin ilatag ang ebidensya, testigo at dokumento,” dagdag pa niya.
Nagbabala rin si Cendaña laban sa anumang hakbang na ibasura agad ang impeachment case nang walang paglilitis. Ayon sa kanya, isa na naman itong kahihiyan para sa Senado kung agad nitong ibabasura ang kaso nang hindi man lang dinidinig ang mga ebidensya, lalo na’t humihingi ng kasagutan ang publiko.
“Nakakahiya ang Senado kung kanilang pipigilan pa ‘yung paglilitis na ito,” ani Cendaña. “Mas ipapahiya pa nila ang sarili nila. So to preserve the integrity of the Senate, there has to be a trial.”
Inimpeach ng Kamara ang bise presidente sa ikalawang pagkakataon noong Mayo 11 sa botong 257 pabor, 25 tutol, at 9 abstention. Isinumite naman sa Senado ang articles of impeachment noong Mayo 13.
Inanunsyo ni Senate President Alan Peter Cayetano noong Huwebes na magtitipon ang Senado bilang impeachment court sa Mayo 18, alas-3 ng hapon, o sa pinakamadaling panahon na posible.
Sina De Lima at Diokno, na kapwa nahalal bilang impeachment prosecutors ng Kamara, ay nagsabing maaari silang dumalo sa convening ng impeachment court upang ipakita ang kanilang kahandaan sa paglilitis at upang pagtibayin sa harap ng Senado na handa na ang prosecution panel na iharap ang kanilang kaso.

