Calendar
Rep. Acidre nababahala sa dumaraming ‘digital blackmailing outfits’
IKINABABAHALA ni Tingog Party List Rep. Jude Acidre ang pagdami ng mga tinatawag na “digital blackmail outfits” na nagpapanggap bilang media organization o digital platform ng mga political commentaries.
Dahil dito nananawagan si Acidre sa Kamara de Representantes na magsagawa ng imbestigasyon sa lumalaganap na “digital blackmail outfits” na nagkukunwaring isang media organization subalit sa katotohanan ay sangkot sa talamak na pangongotong.
Binalaan ng Party List solon ang mga kahalintulad nitong grupo na lalong ginagamit ang social media bilang kasangkapan para lamang sa pananakot, pamimilit, at di-umano’y pangingikil.
Inihayag ni Acidre ang plano niyang magsampa ng resolusyon upang magsagawa ng imbestigasyon, bilang bahagi ng paglikha ng batas, hinggil sa umano’y mga gawaing pangingikil na kinasasangkutan ng mga online political operators at social media influencers.
Ang hakbang ay isinagawa ni Acidre, kasunod ng mga ulat na inaresto umano si Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder na si
Franco Mabanta at ilan pang iba sa isang umano’y entrapment ng NBI na may kaugnayan sa alegasyon ng paghingi ng P300 milyong kabayaran kapalit ng hindi paglalabas ng mapanirang online content.
Binigyang-diin ng kongresista na higit pa ito sa isang tao o isang plataporma lamang, at sumasalamin ito sa lumalaking banta sa demokratikong diskurso at maging sa lehitimong pamamahayag.
“Kapag ang isang grupo ay umano’y naghahanda ng mapanirang materyal, pinipigilang ilabas ito, at humihingi ng pera kapalit ng hindi paglalathala nito, hindi na iyon pamamahayag. Iyon ay umano’y pangingikil,” ani Acidre sa kaniyang privilege speech.
Nagbabala din ang mambabatas na may ilang online network na umano’y naging tinatawag niyang “digital blackmail outfits” o mga grupong gumagamit umano ng viral na akusasyon, paninira sa reputasyon at koordinatong social media pressure campaigns bilang paraan upang makakuha ng pera, impluwensiya, o makamit ang layuning pampulitika.
“Ang mamamahayag ay nagsisiyasat upang magbigay-kaalaman sa publiko. Ang mangingikil ay nananakot upang kumita mula sa takot,” sabi pa nito.

