Bato

Bato kinunsidera PNP custody matapos ang gulo sa Senado

30 Views

‘NAG-ALOK’ umano si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mailagay sa kustodiya ng Philippine National Police matapos ang standoff sa Senado, dahil sa pangambang hindi na umano siya ligtas sa loob ng kapulungan, ayon kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Sinabi ni Aplasca na ginawa ni Dela Rosa ang hiling nang bumaba ito at makipag-usap kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at sa Chief PNP matapos ang insidente.

“Nararamdaman ko ang kanyang agam-agam at pag-aalala,” ani Aplasca.

“In fact, noong bumaba siya at nakipag-usap kay Secretary Remulla at kay Chief PNP, nag-offer siya kay Chief PNP na baka puwedeng doon na lang siya i-custody sa PNP,” dagdag niya.

Ayon kay Aplasca, tila naramdaman ni Dela Rosa na hindi na siya ligtas sa loob ng Senado matapos ang insidente.

“Nag-offer siya kung puwede doon na lang siya i-custody kasi parang nararamdaman ko, he feels he’s not safe anymore dito sa Senado,” ani Aplasca.

Sinabi ni Aplasca na ang pahayag ni Dela Rosa ay may halong seryosong pakiusap at pagpapahayag ng frustration matapos ang armed standoff sa Senado.

“Tapos si Senator Bato, sinasabi niya it’s an expression of his frustration. Kasi nag-alala na nga siya. Anong nangyayari dito?” aniya.

“Pinapasok kami dito. Senado ito. Can you imagine, Senado, lulusubin kami ng armado, NBI o sinuman?” dagdag ni Aplasca, na binabanggit ang naging pangamba ni Dela Rosa.

Ayon kay Aplasca, may kasamang seryosong pahayag at pag-aalala sa seguridad ni Dela Rosa ang alok nito.

“May serious na pagsasabi at may kasama ring pag-aalala sa kanyang seguridad,” sabi niya.

Nang tanungin kung paano sinabi ni Dela Rosa ang alok, sinabi ni Aplasca na tila natawa na lamang ang sagot mula sa panig ng PNP dahil ang custodial facility ay nangangahulugang kulungan.

“Nagkatawa na lang ang sagot ng PNP sa custodial facility. Kasi kulungan po iyon,” ani Aplasca.

Gayunman, sinabi ni Aplasca na walang ulat na tuluyang lumipat si Dela Rosa sa kustodiya ng PNP.

“Wala naman report ang PNP na lumipat na siya,” sabi niya.

Hindi rin malinaw na sinabi ni Aplasca kung tinanggihan ang alok, at binanggit lamang na may diskresyon din ang Chief PNP kaugnay nito.

Nagdagdag ang pahayag ni Aplasca ng panibagong anggulo sa kontrobersiya sa May 13 Senate standoff, na sumiklab sa gitna ng tensiyon kaugnay ni Dela Rosa.