Calendar
Makabayan solon: Pangamba sa posibleng pag-abswelto kay VP Sara lumalaki
NAGBABALA nitong nakaraang weekend si Renee Co ng KABATAAN Party-list na lalong tumitindi ang pangamba ng publiko hinggil sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado.
Ayon sa kanya, malawak ang pananaw na ang bagong mayorya ay hayagang kaalyado ng Bise Presidente at may kakayahang ipagpaliban, pahinain, o impluwensyahan ang proseso tungo sa pag-abswelto.
Si Co, na miyembro ng House Committee on Justice, ay nagsabing ang pangamba ng maraming Pilipino ay hindi na lamang tungkol sa kung magtitipon ba ang Senado bilang impeachment court, kundi kung pahihintulutan bang magpatuloy ang paglilitis nang buo at patas.
“Bahagi iyon ng agam-agam ng mamamayang Pilipino dahil ano ba ang epekto ng pagpapalit ng liderato sa Senado? May nakita akong tatlong posibleng mangyari. Lalo na’t ang bagong mayorya ay hayagang naka-align kay VP Sara Duterte at noong 19th Congress ay nagsumite ng mga mosyon para ipatigil mismo ang trial proper, maging motion to dismiss man iyon o mosyon na pagbotohan muna kung magko-convene ba bilang impeachment court,” paliwanag ni Co sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Ayon kay Co, ang unang pangamba ay ang pagkaantala ng proseso, lalo na kung muling bubuksan ng mga senador ang debate hinggil sa kahulugan ng salitang “forthwith” o kung gaano kabilis dapat kumilos ang Senado sa Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara.
“Una, delay sa proseso. Yung reinterpretation ng salitang forthwith,” ani Co.
Sinabi rin ng mambabatas na ang ikalawang pangamba ay tungkol sa mismong pagtakbo ng paglilitis, kung saan maaaring pagbotohan kung tatanggapin, isasaalang-alang, o tatanggihan ang mahahalagang ebidensya.
“Pangalawa, ang conduct ng trial mismo. Ano ba ang nakita natin sa kasaysayan? Noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, nagkaroon ng diskusyon sa Senado kung bubuksan ba nila ang envelope na may lamang ebidensya na dapat sana’y ikonsidera ng impeachment court para malaman kung guilty o hindi sa impeachable offense si dating Pangulong Estrada,” sabi ni Co.
Ayon kay Co, nangangamba ang maraming Pilipino na maaaring maulit ang ganitong pangyayari.
“Makikita ba natin ulit iyon sa trial na ito? Sana naman hindi,” dagdag niya.
Sinabi rin ng kinatawan ng Kabataan Party-list na ang ikatlo at pinakamalaking pangamba ay ang posibilidad na maabswelto si Duterte kung papanig sa kanya ang sapat na bilang ng mga senador sa kabila ng mga ebidensyang inilahad ng Kamara.
“Iyan ang iniisip ng mga mamamayang Pilipino, at maging iyong number three, ang resulta. Botohan kasi iyan, two-thirds ang kailangan. Kung may sapat na numero, baka sa huli ay ma-acquit si VP Sara,” babala ni Co.
Binigyang-diin ni Co na sinimulan na ng Kamara ang prosesong konstitusyonal at dapat itong igalang ng Senado hanggang sa huli nang hindi binabaluktot ang batas o mga alituntunin upang pahinain ang paglilitis.
“Ang sa atin naman, nagsimula na tayo ng proseso, kaya dapat itong galangin hanggang dulo at mangyari ang bawat hakbang nang hindi binabali o binabaliktad ang batas at regulasyon,” diin niya.
Nang tanungin kung maaaring sundan ng mga pro-Duterte senator ang pagbasura ni Duterte sa impeachment case bilang walang basehan, sinabi ni Co na maaaring magkakaiba ang magiging posisyon ng mga senador — mula sa pagpapahintulot na magpatuloy ang trial ngunit minamaniobra ang mga mosyon, hanggang sa tuluyang pagpigil dito.
“Maaaring iba-iba ang kanilang tindig. May ilan na magsasabing dapat pa ring tumuloy ang trial kahit paano, pero sa loob ay puwedeng maniobrahin ang mga mosyon pabor kay VP Sara.
Mayroon namang tatayo sa posisyon na huwag na talagang ituloy ang trial,” ani Co.
Iginiit ni Co na ang Articles of Impeachment ay nakabatay sa mga pampublikong rekord at dokumento ng gobyerno, hindi sa haka-haka o imbentong alegasyon.
“Ang malinaw sa atin, sa bawat yugto ng proseso, public records ang hawak natin. Government documents ang batayan natin para masabing may basehan ang mga impeachment offenses na isinampa laban sa kanya at dapat itong dumaan sa full-blown trial,” dagdag niya
“Malaking halaga iyon, hindi basta-basta lang na numero, at empowered ang AMLC na tumanggap ng ulat mula mismo sa mga bangko na nagfa-flag ng ganitong klaseng transaksyon,” diin niya.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y iregularidad sa confidential at intelligence funds, unexplained wealth, umano’y panunuhol, at pagbabanta — mga reklamong inendorso ng House Committee on Justice matapos ang mga pagdinig na humantong sa pag-apruba ng Articles of Impeachment.
“Nariyan ang confidential at intelligence funds, kung saan mismong COA ang naglabas ng mga desisyon, pati na ang desisyon sa apela ni VP at ng OVP, na may mga paggastang hindi naaayon sa memorandum at may ipinapabalik sa kaban ng bayan. Nariyan din ang unexplained wealth, ang P6.7 bilyong na-flag ng AMLC bilang covered at suspicious transactions,” paliwanag ni Co.
Sinabi ni Co na hindi dapat maliitin ang halagang na-flag ng AMLC dahil ito ay mula sa opisyal na mekanismo ng pagre-report n
Binanggit din ni Co ang umano’y mga pampublikong pagbabanta ni Duterte, at sinabing nakaaalarma ang mga ito at dapat masuri sa isang ganap na impeachment trial.
“At maging iyong mga hayagang pahayag na papatay siya ng tao — nakaaalarma iyon, hindi ba?” dagdag niya.
Ipinahayag ni Co ang kumpiyansa na matibay ang rekord ng Kamara laban sa mga pagtatangkang ibasura ang impeachment case bilang walang basehan dahil dumaan umano sa wastong proseso ang mga ebidensya bago isumite sa Senado para sa paglilitis.
“Kaya lahat ng iyan ay public records. Dumaan iyan sa mahabang proseso alinsunod sa rules of evidence bago naisumite sa House Committee on Justice at sa Senado bilang impeachment court,” ani Co.
Ayon pa kay Co, inaasahan na ang mga pag-atake laban sa impeachment case, ngunit sapat umano ang mga rekord upang sagutin ang mga alegasyong walang basehan ang mga kaso.
“May mga magsasabi niyan, pero kumpiyansa tayo na dumaan ito sa tamang proseso kaya hindi basta-basta maibabato ang ganoong akusasyon,” pagtatapos ni Co.

