Chua

Chua: House panel umaasang Senado gagawin angtungkulin

34 Views

SINABI ni House impeachment prosecutor Joel Chua ng Maynila nitong Linggo na nananatiling umaasa ang prosecution panel na gagampanan ng Senado ang tungkulin nito ayon sa Konstitusyon sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, sa kabila ng kamakailang pagbabago sa liderato at ng kilalang alyansa ng ilang senador sa bise presidente.

Sa panayam sa Super Radyo DZBB 594khz kasama ang mga brodkaster na sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali, sinabi ni Chua na inaasahan ng prosecution panel na mananatiling patas ang Senado at hindi hahayaang manaig ang pulitika upang hadlangan ang konstitusyonal na proseso ng pananagutan.

“Inaasahan po natin na hindi magbabago ang kanilang pagtingin at hindi nito maaapektuhan ang proseso dahil unang-una po, ito ay kanilang constitutional mandate,” ani Chua.

Partikular niyang ipinahayag ang kumpiyansa kay bagong halal na Senate President Alan Peter Cayetano, na ayon sa kanya ay isang mahusay na abogado na inaasahang igagalang ang Konstitusyon.

“Inaasahan naman din po natin na ang ating bagong Senate president bilang isang abogado ay mataas ang kanyang paggalang sa ating Konstitusyon,” aniya.

“Siguro bigyan muna natin ng benefit of the doubt ang ating bagong halal na Senate president,” dagdag pa niya.

Labintatlong senador ang naghalal kay Cayetano bilang Senate president noong Mayo 11, na nagpatalsik kay Sen. Vicente “Tito” Sotto III at bumuo ng bagong mayoryang blokeng karamihan ay binubuo ng mga kilalang kaalyado ni Duterte.

Dahil sa pagbabagong ito sa liderato, lumakas ang pangamba ng publiko tungkol sa posibilidad na mahatulan si Bise Presidente Sara Duterte, lalo’t kinakailangan ng dalawang-katlong boto, o 16 sa 24 na senator-judges, upang mapatalsik siya sa puwesto at tuluyang madiskuwalipika sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.

Nang tanungin kung mas magiging mahirap para sa prosecution panel na makuha ang kinakailangang boto para sa conviction, ipinaliwanag ni Chua na maging ang mga nakaraang impeachment trial ay nagsimula ring walang malinaw na mayoryang pabor sa conviction.

Aniya, nagbabago ang posisyon ng mga senador kapag pormal nang nailalahad ang mga ebidensya sa paglilitis.

“Sa lahat ng mga naging impeachment trial, nagsimula po talaga lahat ng walang sapat na bilang,” aniya.

“Ang pagkakaalam ko po noong panahon ni Chief Justice Corona, nagsimula po sila na pipito lamang ang senador na sang-ayon dito. Pero nung nagkabotohan na, nung naipresenta na lahat ng ebidensya, umabot na siya ng bente,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng impeachment prosecutor na malaki ang magiging papel ng pagbabantay ng publiko at media upang matiyak ang patas na proseso ng impeachment. Hinikayat niya ang mga grupo ng civil society at news media na bantayang mabuti ang bawat hakbang ng paglilitis.

“Napakalaki ng papel ng taumbayan at lalong-lalo na ang media kagaya po [ng media] na bantayan itong impeachment trial,” ani Chua.

“Kasi po ito lamang ang paraan para makakuha po tayo ng hustisya na patas,” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ni Chua na maingat na naghahanda ang prosecution panel para sa mga posibleng legal na hamon o pagtatangkang pigilan ang proseso.

“Isa po yan sa paghahanda namin na yung mga possible na legal obstacles na ikakaharap po namin,” aniya.

Ibinunyag niya na kasalukuyang hinahati-hati ng mga miyembro ng prosecution panel ang kanilang mga responsibilidad at tinutukoy kung aling mga artikulo ng impeachment ang kanilang hahawakan sa paglilitis.

Bilang chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability at nanguna sa imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ni Duterte ng P612.5 milyong confidential funds, sinabi ni Chua na nakatalaga siyang humawak sa tatlong impeachment articles kaugnay nito.

“Well hindi pa naman po ito final, pero lumalabas po tatlong article ang assignment po natin—yung sa ill-gotten wealth, ‘yung sa confidential funds, at doon sa bribery,” ani Chua.

Dagdag pa ng mambabatas, sinusuri rin ng panel ang mga posibleng pribadong abogado na maaaring tumulong sa prosecution team sa ilalim ng kanilang direksyon at superbisyon, gayundin ang mga testigong ihaharap nila sa mismong paglilitis.

Isa sa mga testigong malamang na humarap sa paglilitis, ayon kay Chua, ay si self-confessed bagman Ramil Madriaga, na nauna nang tumestigo sa clarificatory hearings ng Committee on Justice.

“Nasa proseso po kami ng pagve-vetting ng mga tutulong sa amin na mga private lawyer o private prosecutors under our direction and supervision,” aniya.

Inaasahang magtitipon ang Senado bilang impeachment court alas-3 ng hapon sa Lunes—isang linggo matapos i-impeach ng Kamara si Duterte sa botong 257 pabor, 25 tutol, at 9 abstention.

Kinahaharap ng bise presidente ang mga alegasyon kaugnay ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at grave threats.