Aquino

Aquino tuloy ang pagtulak sa reporma sa edukasyon

32 Views

ITUTULOY ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagtulak ng mga reporma sa edukasyon kahit hindi na chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Si Aquino, na nalipat sa minorya matapos ang reshuffle sa liderato, ay naglabas ng ulat kaugnay ng kanyang 10 buwang panunungkulan bilang chairperson ng komite.

Nakatuon ang trabaho ng komite sa agenda na sumasaklaw sa nutrisyon, silid-aralan, mga aklat, konektibidad, suporta sa mga guro, learning gaps at employability.

Binanggit din ni Aquino ang 10-taong National Education and Workforce Development Plan 2026–2035 na naglalayong maglatag ng balangkas para sa pagtugon sa mga problema sa sistema ng edukasyon.

Kabilang sa mga isyung tinukoy sa ulat ang learning gaps at mababang proficiency levels.

Ayon sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment, 48.76 porsyento ng mga mag-aaral ay hindi nakakabasa ayon sa kanilang grade level pagsapit ng Grade 3 noong school year 2024-2025.

Ipinakita rin ng parehong assessment na bumaba ang proficiency rates mula 30.5 porsyento sa Grade 3 hanggang 0.40 porsyento na lamang pagsapit ng Grade 12.

Tinukoy din ni Aquino ang stunting sa mga batang mag-aaral, na nakaaapekto sa 23.6 porsyento ng mga bata.

Binanggit din sa ulat ang P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget, kabilang ang P67.9 bilyon para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan.

Kasama rin dito ang P37 bilyon para sa implementasyon ng Free College Law, kabilang ang dagdag na pondo para sa Tertiary Education Subsidy, at P25.7 bilyon para sa pinalawak na School-Based Feeding Program.

Marami pang panukalang pang-edukasyon ang kailangang aksyunan, kabilang ang mga reporma sa K to 12, school-to-employment program at panukalang School Safety Act, ayon sa senador.

Sa kanyang FB post, sinabi ni Aquino na hinihintay na lamang niya ang lagda ng Pangulo para sa panukalang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas and Last Mile Schools Act at Curriculum Flexibility Act na kanyang isinulong.

Binanggit din niya ang pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Class-Building Acceleration Program Act at Basic Education Voucher Program Act.