Rep. Renee

Panawagang ituloy impeachment vs VP Sara suportado ng partylist rep

Mar Rodriguez May 18, 2026
28 Views

SINUSUPORTAHAN ni House Assistant Minority Leader at Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang panawagan ng mga progresibong grupo na dapat ituloy ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Co, maituturing na pagbabalewala sa mga mamamayan kung tatangkain ng bagong liderato sa Senado na idiskaril o i-antala ang impeachment trial.

“Hindi dapat mahadlangan ng anumang gulo sa Senate leadership ang proseso ng impeachment. Oras na ng pananagutan, hindi ng simpatya o pamumulitika,” sabi ni Co.

Iginigiit ng mambabatas na iisa lamang ang panawagan ng taong bayan–ang pagulungin na ang impeachment process laban kay Duterte at papanagutin ito sa lahat ng katiwaliang kinasangkutan niya.

Nauna nang ipinahayag ni Co na hindi magiging parehas ang gagawing paglilitis ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil ang mayorya ng mga senador ay kakampi nito

Pagbibigay diin ng militanteng mambabatas na lumalalim ang pangamba ng mamamayang Pilipino kaugnay sa posibleng pag-absuwelto ng bagong mayorya sa Senado kay VP Sara sakaling tuluyan ng umarangkada ang Senate impeachment trial.

Nagdudumilat ang katotohanan, ayon kay Co, na pawang mga kaalyado ni Duterte ang bagong Senate majority sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano na may kakayahang ipagpaliban, pahinain ang kaso hanggang sa maabsuwelto si VP Sara.

Ang pangamba ng maraming Pilipino ay hindi lamang nakatuon sa kung magko-convene ba ang Senado bilang impeachment court kundi kung pahihintulutan na magpatuloy ng buo, patas at hindi magkakaroon ng maniobra na maaaring pumabor kay Duterte ang paglilitis.

“May bahagi na yun yung agam-agam ng mamamayang Pilipino, kaso ano bang mga effects ng pagpapalit ng Senate leadership. May nakikita akong tatlong posibilidad, lalo na’t yung bagong majority publicly aligned with Sara Duterte,” ani Co.

Ang unang pangamba ng mamamayan ay ang posibleng pagkaantala ng proseso lalo na kung muling bubuksan ng mga senador ang usapin sa kahulugan ng salitang “forthwith” o kung gaano kabilis dapat ayusin ng Senado ang Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara de Representantes.