Calendar
Naarestong Chinese na maraming PH ID hindi konektado sa Manila
NILINAW ni Manila City Administrator Atty. Eduardo “Wardee” Quintos XIV na walang koneksyon ang administrasyon ni Mayor Isko Moreno sa Chinese national na naaresto ng Bureau of Immigration (BI) na gumagamit ng mga pekeng dokumento at IDs para palabasin na Pilipino siya.
Ang city administrator ni dating Mayor Honey Lacuna na si Bernardito Ang ang dapat tanungin kaugnay sa mga dokumento na may kaugnayan kay Cai Rong Xuan, alyas Peter B. Zhuang, na naaresto noong Marso 30, 2026, sa NAIA Terminal 1 bunga ng pagpapanggap na isang Pilipino gamit ang mga pekeng dokumento at hinihinala ring espiya ng China.
Iginiit ni Quintos na walang kaugnayan, koneksiyon, kaanib at pahintulot ang Maynila kay Zhuang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Anuman aniya ang mga nakuhang IDs, certification o kahit anong dokumento na na-isyu kay Zhuang ay walang kinalaman ang administrasyon ni Mayor Isko Moreno.
Hindi pahihintulutan aniya ng lokal na pamahalaan ang anumang maling representasyon, hindi awtorisadong paggamit ng pangalan ng anumang tanggapan ng mga opisyal ng City Hall o pagsasamantala sa pangalan ng opisyal at institusyon ng sinumang dayuhan.

