Calendar
Co sa kabataan, publiko: Maging aktibong kalahok sa impeachment trial ni VP Sara
HINIMOK noong Linggo ng hapon ni House trial spokesperson at Assistant Minority Leader na si Renee Co ng Kabataan Party-list ang mga kabataang Pilipino at ang publiko na aktibong makilahok sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga ebidensya, pakikilahok sa mga talakayan, at pagtulong upang matiyak ang isang makatarungan at may prinsipyong proseso.
Sa panayam sa Todo Balita sa Hapon na pinangungunahan ni Geli Mendez sa dwIZ, sinabi ni Co, “Nasa taumbayan po ang sagot kung kaya nilang makapag-exert ng political pressure para maging fair, patas ‘yung paglilitis.”
Binigyang-diin ng mambabatas ng kabataan na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng publiko habang nagsisilbi ang Senado bilang impeachment court.
Aniya, ang pakikilahok sa proseso ay hindi dapat tingnan bilang isang partisanong gawain kundi bilang tungkuling sibiko, lalo na sa kasong may kinalaman sa tiwala ng publiko, pananagutan, at pambansang pamumuno.
Inilabas ni Co ang panawagang ito habang nagpapatuloy ang paghahanda ng House prosecution panel para sa impeachment trial.
Kinakaharap ni Duterte ang mga Articles of Impeachment na nag-aakusa sa kanya ng umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang matitinding krimen.
Sinabi ng mambabatas ng Kabataan na hindi dapat manatiling tahimik na tagamasid lamang ang publiko habang sinusuri ng impeachment court ang kaso.
“Sa mga Pilipino na nakikinig, pwede tayong hindi lang tagapagmasid pero active participants sa pag-voice out sa social media or even on ground ng saloobin natin,” ani Co.
Ayon sa kanya, mahalagang papel ang ginagampanan ng pakikilahok ng publiko — maging sa online discussions, usapang pangkomunidad, o masusing pagsubaybay sa mga pagdinig — sa pagsusulong ng pananagutan at demokratikong partisipasyon.
Binigyang-diin din ni Co na ang magiging desisyon ng Senate impeachment court ay dapat nakabatay sa ebidensya at prinsipyo.
“Dapat po ebidensya. Hindi loyalty to one personality, hindi dapat 2028 prospects, pero ebidensya at syempre prinsipyo,” aniya.
Hinimok ni Co ang mga senador at mamamayan na maingat na pag-aralan at suriin ang mga ebidensyang ihaharap sa mga pagdinig.
“…Panawagan po ito sa lahat ng senators, panawagan po ito sa lahat ng mamamayan: basahin natin, i-engage natin ang ebidensya at gamitin natin ito sa pagmamatyag mismo kung anong dapat tatahakin nating landas para ma-ensure na accountability is always present,” sabi ni Co.

