Calendar
Co: Prosecution panel handa na para sa impeachment trial ni VP Sara
SINABI ni House trial spokesperson at Assistant Minority Leader na si Renee Co ng Kabataan Party-list nitong Lunes na handa na ang prosecution panel ng Kamara para sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, habang hinihintay ng mga prosecutor ang iskedyul mula sa Senado at ang pormal na sagot ni Duterte sa Articles of Impeachment.
Sa isang panayam sa Tira Brigada sa 105.1 Brigada News FM Manila, sinabi ni Co na nakahanda ang prosecution panel na maglahad ng ebidensya at mga legal na argumento sa oras na ituloy ng Senado ang proseso ng impeachment.
“Mula noon hanggang ngayon ay handa naman po ang House prosecution team na himayin ang ebidensya kaugnay ng mga nakasaad sa articles of impeachment, iharap ang mga legal na argumento, at tiyaking makuha ang mga sagot na nais nating marinig at siyempre ay mapagtibay sa huli ang ating mga alegasyon sa Articles of Impeachment,” ani Co.
Ayon kay Co, wala pang natatanggap na opisyal na iskedyul ang Kamara mula sa impeachment court ng Senado.
“Wala pa po kasing official transmission ng schedule galing sa Senado. So ang meron lang po tayo ay siguro kung ano yung sa kanilang personal capacity ay sine-share sa media,” aniya.
Ipinaliwanag din niya ang mga susunod na hakbang sa proseso matapos maglabas ng subpoena ang Senado kay Duterte.
“Ang alam natin, may 10 araw si VP Sara — calendar days po ito — para ihain ang kanyang sagot matapos siyang padalhan ng subpoena ng Senado. Kapag natanggap na ng Senado at ng House ang sagot, may limang araw ang HOR Prosecution Panel para magsumite ng reply. Pagkatapos nito ay magkakaroon ng pre-trial at saka ang trial proper. Pero ang eksaktong petsa kung kailan ito gaganapin ay hinihintay pa natin mula sa kalendaryo ng Senado,” sabi ni Co.
Sinabi rin ni Co na wala pa ring natatanggap na sagot ang House prosecution panel mula kay Duterte.
“Sa ngayon po wala pa po tayong nare-receive kaya inaabangan din natin ang mismong sagot, at sigurado po akong inaabangan din ito ng taong bayan dahil ang mga isyung ito ay mula pa noong 2023. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot,” aniya.
Dagdag pa ni Co, wala pa umanong malinaw at substantibong tugon sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint.
“Puro teknikalidad at procedural na usapin lamang ang mga argumentong inilalabas kung bakit hindi valid ang proceedings o kung ano man. Mula pa noong 19th Congress hanggang ngayon, wala pa tayong naririnig na substantibong sagot na tunay na tumutugon sa mga alegasyon. Iyon po ang matagal na nating gustong marinig,” sabi niya.
Pinabulaanan din niya ang pananaw na hindi maaaring busisiin ang confidential at intelligence funds.
“Kahit simpleng halimbawa tulad ng confidential and intelligence funds, hindi ibig sabihin na dahil confidential ang tawag dito ay hindi na maaaring malaman ang anumang detalye tungkol sa paggasta nito,” ani Co.
“Nakalagay po sa Joint Memorandum Circular na inilabas ng COA kasama ang iba’t ibang ahensya na may minimum rules pa ring kailangang sundin sa paggasta nito. Iyon po ang hindi nasunod sa huli kaya ito ay napasama sa articles of impeachment,” dagdag niya.

