Wanted

62 wanted persons bagsak sa selda sa 24 oras ops ng PRO Calabarzon

61 Views

Wanted1Wanted2CAMP BGEN VICENTE P. LIM, Laguna — Bumagsak sa rehas na bakal ang 62 wanted persons, kabilang ang 18 na itinuturing na ‘Most Wanted’, matapos ang ikinasang 24-oras na malawakang pagtugis ng Police Regional Office (PRO) CALABARZON sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Ayon sa ulat, nagsimula ang magkakasunod na operasyon mula alas-6:00 ng umaga noong Mayo 21 hanggang alas-6:00 ng umaga nitong Mayo 22, 2026.

Ang pinaigting na kampanya ay tugon sa direktiba ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Focused Agenda ni PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr. upang linisin ang komunidad laban sa mga takas sa batas.

Nabatid na ang 18 Most Wanted Persons na nasakote ay nahaharap sa mga mabibigat na kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), rape by sexual assault, illegal recruitment in large scale, at estafa, habang ang 44 na iba pa ay may iba’t ibang warrant of arrest.

“Patuloy nating tutugisin ang mga lumalabag sa batas upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga mamamayan, dito sa CALABARZON,” ani Police Regional Director PBGEN Hansel Marantan.

Pinasalamatan din ng opisyal ang tulong at kooperasyon ng komunidad na naging susi sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga suspek.

Kasalukuyang nasa piitan at kustodiya na ng kani-kanilang operating units ang mga naarestong indibidwal para sa kaukulang dokumentasyon bago iharap sa mga korte na nag-isyu ng kanilang warrant.