Sandro

Panukalang batas na magtataas sa retirement age ng mga pulis mula 56 tungong 57 pasado na sa Kamara

Mar Rodriguez May 27, 2026
72 Views

INAPRUBAHAN at pasado na sa Kamara de Representantes para sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magtataas sa mandatory retirement age ng mga unipormadong tauhan ng Philippine National Police (PNP) mula 56 tungong 57 taong gulang.

Sa pamamagitan ng botong 233 pabor, walang tutol, at isang abstention pormal ng pinagtibay ang nasabing panukala ang panukalang magtataas sa mandatory retirement age ng mga tauhan ng PNP.

Layunin ng House Bill No. 8702 na amyendahan ang Section 39 ng Republic Act No. 6975 o ang Department of the Interior and Local Government Act of 1990.

Ang panukalang batas ay sa mga prayoridad na panukala na naipasa ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Ang HB 8702 ay pinagsama-samang bersyon ng pitong magkakaugnay na panukalang batas, kabilang ang HB No. 4917 na inakda ni Marcos.

Sa paghahain ng panukalang batas, ayon kay Marcos, ang pagtataas sa mandatory retirement age ng mga pulis ay “napapanahon at kinakailangan” upang matugunan ang ilang mahahalagang layunin.

“Ang pagtaas sa retirement age ay magbibigay-daan sa PNP na masulit ang pamumuhunan ng gobyerno sa pagsasanay at propesyonalisasyon ng mga opisyal nito,” ani Marcos.

“Bukod dito, sa pagpapanatili ng mga beteranong tauhan ng isang dagdag na taon, makikinabang ang organisasyon sa kanilang espesyalisadong kaalaman at malalim na karanasan sa institusyon. Mahalaga ang ganitong pagpapatuloy para sa pamumuno at katatagan ng mga operasyon sa pagpapatupad ng batas,” dagdag pa ni Marcos.

Ayon sa kaniya, makatutulong din ito upang magkaroon ng pagkakapare-pareho sa mga uniformed services ng bansa.

Tinukoy rin ni Marcos na kamakailan lamang ay ipinasa ng Kongreso ang Republic Act (RA) No. 11939, na nagtaas sa compulsory retirement age ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula 56 tungong 57.

“Iniayon ng panukalang ito ang retirement framework ng PNP sa AFP, bilang pagkilala sa kanilang magkatulad na tungkulin sa pangangalaga ng pambansang seguridad at kaayusang pampubliko,” aniya.