Calendar
Torreon kinuwestyon pagbawi ng lisensya
KINUWESTYON ni Atty. Israelito Torreon ang iniulat na hakbang para kanselahin ang firearms licenses ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, kasabay ng paggigiit na ang probisyong binanggit umano ng PNP Firearms and Explosives Office ay tumutukoy sa kwalipikasyon sa pagkuha ng lisensya at hindi sa pagbawi nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Torreon na Section 4(g) ng Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ang ginamit umanong batayan ng PNP-FEO sa pagrekomenda ng pagkansela sa 118 firearms licenses ni Dela Rosa.
“There is one problem. Section 4(g) is not a revocation ground,” sabi ni Torreon.
Ayon kay Torreon, ang Section 4 ng RA 10591 ay tumutukoy sa “Standards and Requisites for Issuance and Obtaining a License,” habang ang Section 39 naman ang hiwalay na probisyong nagtatakda ng mga batayan para sa revocation, cancellation o suspension ng lisensya o permit.
Sinabi ni Torreon na maaaring may kaugnayan sa kwalipikasyon sa pagkuha ng lisensya ang pagkakaroon ng nakabimbing kaso sa ilalim ng Section 4(g), ngunit iginiit niyang hindi ito, sa sarili lamang, kabilang sa mga batayan sa pagbawi ng kasalukuyang lisensya sa ilalim ng Section 39.
“Pending criminal case before any court? Not one of them. The only criminal-law grounds are: CONVICTION under Section 39(b), and a COURT ORDER under Section 39(j),” sabi ni Torreon.
Gayunman, sa revised implementing rules ng RA 10591, nakasaad sa Section 39.1(a) ang “pendency of a criminal case involving the firearm, ammunition or major parts thereof,” habang binabanggit sa Section 39.1(j) ang revocation, cancellation o suspension “by virtue of court or executive order.”
Kinontra rin ni Torreon ang posisyon na maaaring ituring na “court of law” ang International Criminal Court warrant sa ilalim ng RA 10591 sa pamamagitan ng doctrine of incorporation.
“The Doctrine of Incorporation makes international law part of Philippine law. It does not make foreign tribunals part of Philippine courts,” sabi niya.
Ayon kay Torreon, hindi itinatag ng batas ng Pilipinas ang ICC, hindi itinalaga sa ilalim ng Konstitusyon ang mga hukom nito, at hindi kapareho ng mga kautusan ng mga hukuman sa Pilipinas ang mga kautusan nito.
Pinabulaanan din ni Torreon ang paghahambing sa kaso ni Pastor Apollo Quiboloy, at sinabing nakansela ang firearms ni Quiboloy kaugnay ng mga kasong nakabinbin sa Philippine courts, habang si Dela Rosa ay nahaharap sa proceedings sa ICC.
Nagbabala rin si Torreon sa sabay na epekto ng pagklasipika kay Dela Rosa bilang “armed and dangerous” habang isinusulong ang pag-alis sa legal na kapangyarihan niyang magmay-ari o magdala ng baril.
“The sequence is: strip the license, deploy 225,000 officers, classify as armed and dangerous, authorize lethal force,” sabi ni Torreon.
Nauna nang ibinasura ng Supreme Court ang hiling ni Dela Rosa para sa temporary restraining order o status quo ante order laban sa kanyang pag-aresto at posibleng paglilipat sa ICC. Gayunman, ang ibinasura ay ang hiling na provisional relief, habang nananatiling bahagi ng pangunahing kaso ang mas malawak na mga isyung konstitusyonal tungkol sa enforceability ng ICC process.
Sinabi ni Torreon na dapat hintayin ng gobyerno ang pasya ng Supreme Court sa mga isyung konstitusyonal sa halip na kumilos bago ang pinal na ruling.
“That is not law enforcement. That is a constitutional crisis executed in stages,” sabi niya.

