Lacson

Lacson pinuna pahayag ukol sa legal background ni Sen. Risa

43 Views

PINUNA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang isang pahayag sa debate ng Senado hinggil sa panukalang remote participation, at sinabing ang usapin ay tungkol sa rules ng kapulungan at hindi sa legal background ni Senadora Risa Hontiveros.

Sinabi ni Lacson na ang dapat talakayin ng Senado ay ang interpretasyon ng rules nito, hindi ang propesyon o legal na pagsasanay ng isang senador na naghahain ng pagtutol sa proseso.

“In a condescending tone, a colleague, who is a lawyer, took issue with Sen. Hontiveros’ lack of ‘legal background.’ I have a simple message — it’s the RULES, stupid!” sabi ni Lacson.

Nangyari ang palitan habang tinatalakay ang mosyon ni Senador Rodante Marcoleta na payagan ang mga senador, dahil sa “justifiable reasons,” na dumalo at makilahok sa Senate sessions sa pamamagitan ng teleconference, videoconference o iba pang maaasahang remote o electronic means.

Kinuwestiyon ni Lacson at ng iba pang senador sa minorya ang hakbang na direktang talakayin ang mosyon sa plenaryo dahil, ayon kay Lacson, nauna na itong nai-refer sa Committee on Rules noong May 11.

Iginiit ni Lacson na dapat umiral ang Section 24 ng Senate Rules dahil inaatasan nito ang mga komite na magpulong, magtalakay, magpasya at magsumite ng report sa mga usaping nai-refer sa kanila.

Sinabi rin niya na naapektuhan ang usapin ng pagbabago sa liderato noong May 11, matapos ideklarang bakante ang mga posisyon sa Senado. Ayon kay Lacson, walang chairman o mga miyembro ang Committee on Rules na maaaring tumalakay sa panukala.

Sinabi rin ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa palitan na ang isyu ay may kinalaman sa Senate rules, at hindi sa kung abogado ba ang isang senador.

Nag-walkout kalaunan ang minority bloc matapos ituloy ng kapulungan ang pag-aksyon sa mosyon.

Iginiit naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na maaaring talakayin ang usapin sa ilalim ng Section 136 ng Senate Rules, na nagpapahintulot sa pag-amyenda ng rules sa pamamagitan ng mosyon kung naiharap ito nang hindi bababa sa isang araw bago talakayin at inaprubahan ng mayorya ng mga senador na naroroon.

Sinabi rin ni Cayetano na ang pinagpapasyahan lamang ng kapulungan ay kung maaari bang talakayin sa floor ang panukala, at hindi pa ang mismong merito ng amyenda.