Minority

Minority di isinasantabi ang pag-walkout ulit

36 Views

NAG-walk out ang minority bloc sa sesyon noong Mayo 26 hindi para umiwas sa debate kundi upang tutulan ang hakbang ng majority na itulak ang botohan sa online participation habang tinatalakay pa ang mga procedural objection, sabi ni Sen. Panfilo Lacson.

Kinontra ni Lacson ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na ang mga senador ng minority ay “scampered out” sa session hall.

“The minority group scampered out of the session hall.’ — SP Cayetano.

‘No, Mr. Senate President, we quietly walked out because you scampered out of our rules and wanted to divide the house while we were still debating,’” sabi ni Lacson sa X.

Samantala, nanindigan ng minority na ipagpapatuloy ang debate, pagtatanong, interpellation at paghahain ng amendments kung ipagpapatuloy ng majority ang panukala sa online participation.

Hindi rin isinasantabi ng minority ang panibagong walkout o pagdadala ng usapin sa Supreme Court bilang huling hakbang.

Nagsimula ang bangayan sa hakbang na talakayin sa plenaryo ang mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na nagpapahintulot ng online participation sa Senate proceedings.

Iginiit ni Lacson na dapat dumaan sa Committee on Rules ang mosyon dahil na-refer na ito sa nasabing komite matapos ihain noong Mayo 11.

Binanggit niya ang Section 24 ng Rules of the Senate, na aniya’y nag-aatas sa mga komite na talakayin, pagpasyahan at magsumite ng ulat sa lahat ng bagay na isinangguni sa kanila.

Hindi pa nabubuo ang Committee on Rules matapos ang leadership change noong Mayo 11 dahil wala pa itong chairperson at mga miyembro, ayon kay Lacson.

Kinontra rin niya ang paggamit sa Section 136, na binanggit ni Cayetano, kung saan maaaring amyendahan ang rules sa pamamagitan ng mosyon na inihain kahit isang araw bago talakayin.

Ayon kay Lacson, hindi dapat pairalin ang probisyong ito dahil na-refer na sa Committee on Rules ang mosyon ni Marcoleta.

“Nandoon pa lang kami sa procedure pero gustong putulin ang debate at mag-divide the house papunta sa botohan e hindi pwede. Tackle muna namin ang procedure kasi mali ang invoke nilang rules,” sabi ni Lacson.

Nang igiit ni Cayetano ang pag-divide the house at pagbotohan ang usapin, nag-walkout ang mga senador ng minority, habang nanatili sa plenaryo si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at nagmosyon na i-adjourn ang sesyon para sa araw na iyon.