Calendar
Impeachment trial babantayan
Ng independent watchdog
ILULUNSAD ang isang independent watchdog group upang bantayan ang impeachment trial sa Senado, labanan ang disinformation at tulungan ang publiko na mas maunawaan ang proseso ng impeachment, bago ang paglilitis kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.
Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, inanunsiyo ni TEAM PINAS Executive Director Carlo Flores ang paglulunsad ngayong linggo ng Bantay Senado, isang independenteng inisyatiba na nakabatay sa tatlong prinsipyo: truth-telling, bridge-building at change-making.
Ayon kay Flores, nabuo ang Bantay Senado dahil ang nalalapit na impeachment trial ay magaganap sa isang lubhang naiibang information environment kumpara sa mga naunang impeachment proceedings.
“Ito ’yung magiging unang impeachment trial na dominant na ang social media at generative artificial intelligence,” pahayag ni Flores.
Binanggit niya na nagbago ang “complexion” ng impeachment trial ngayong taon dahil sa paglaganap ng disinformation at sa malawak na paggamit ng mga artificial intelligence tools.
“Ang medyo nag-iba ng complexion sa panahon ng impeachment trial this year is ’yun nga ’yung disinformation na sinasadya,” ani Flores.
Sinabi ni Flores na may tatlong pangunahing gawain ang grupo sa panahon ng paglilitis: pagmo-monitor, pagpapaliwanag, at pagpapaalala sa public officials ng kanilang mga tungkulin.
Para sa tungkulin nitong pagmo-monitor, sinabi ni Flores na masusing susubaybayan ng mga boluntaryo ng Bantay Senado ang mga paglilitis sa impeachment at tututok sa mga kaganapan.
Idinagdag niya na ikinagulat ng grupo ang malakas na pagtugon ng publiko matapos itong manawagan ng volunteers.
Para sa ikalawang task, layunin ng Bantay Senado na ipaliwanag ang proseso ng impeachment sa simple at madaling maunawaang paraan sa pamamagitan ng mga talakayan sa komunidad at lokal na pakikipag-ugnayan, saad pa niya.
Ayon kay Flores, nais nilang dalhin ang usapan sa “mga barangay, sa mga simbahan, sa mga paaralan” at ipaliwanag ang mga kaganapan “sa lengguwaheng payak.”
Aniya, ang mga boluntaryo at influencer, na gagabayan ng volunteer legal team, ay tutulong sa pagpapaliwanag kung ano ang naganap sa mga pagdinig at kung bakit mahalaga ang mga ito.
Ani Flores: “Ipapaliwanag, ano ’yun nangyari sa proseso kahapon? Bakit siya mahalaga?”
Dagdag pa niya, makatutulong din ang inisyatiba upang maunawaan ng mga mamamayan kung paano suriin ang mga ebidensiya at argumento na ihaharap ng magkabilang panig sa paglilitis.
“Bibigyan natin ng unbiased at grounded doon sa batas na analysis,” saad ni Flores.
Sinabi ni Flores na balak din ng Bantay Senado na makipag-ugnayan gamit ang iba’t ibang wika at estilo upang maabot ang mas malawak na audience.
“Ico-communicate ’yan either English or Tagalog, kung gusto n’yo Young Stunna o si Gengeng para maitawid natin ’yung lengguwahe,” sinabi ni Flores.
Para sa ikatlong task, sinabi ni Flores na paaalalahanan ng Bantay Senado ang mga pinuno at mga senador-hukom tungkol sa kanilang sinumpaang tungkulin at responsibilidad.
Ayon sa kanya, handa ang publiko na ipaalala sa mga opisyal ang kanilang mandato sa pamamagitan ng inisyatibang ito.
Sinabi rin ni Flores na tugon ang proyekto sa matinding hangarin ng publiko na magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa proseso ng impeachment.
“May uhaw talaga [ang publiko] sa kaalaman,” ani Flores.
Binigyang-diin niya na bagama’t isang prosesong politikal ang impeachment, nananatiling sentral dito ang publiko dahil ang mga halal na opisyal ay may pananagutan sa taumbayan.
Umaasa ang Bantay Senado na mahihikayat ang mga mamamayan na lampasan ang ingay ng pulitika at ituon ang pansin sa katotohanan, ebidensiya at pananagutan.
“Tandaan natin na hindi lang ang nasasakdal si VP Sara, hindi lang ang Senado ang bahagi ng impeachment trial. Pangatlong pinakamalaga ang taumbayan,” giit ni Flores.
