Speaker-Dy

Speaker Dy suportado PH version ng 911 ng US

Mar Rodriguez Jun 2, 2026
29 Views

SUPORTADO ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Philippine version ng 911-Integrated Emergency Medical System ng Estados Unidos.

“Maraming Pinoy ang pamilyar sa 911. Pero ang mas mahalagang tanong ay: kapag may tumawag sa 911 may maaasahan ba siyang mabilis, maayos at de-kalidad na pagtugon?

Iyan ang nais tiyakin ng isinulong nating panukalang batas. Hindi lamang hotline ang binubuo natin kundi isang integrated emergency medical services system na makapagliligtas ng maraming buhay,” sabi ni Dy.

Inaprubahan ng House Speaker sa committee level ang consolidated House bills na naglalayong magtatag ng isang pambansang Integrated Emergency Medical Services System (EMSS) upang lumikha ng isang mas organisado at pamantayang network para sa pagtugon sa emergency sa buong bansa.

Pinagsasama sa iisang panukalang ang House Bill Nos. 673, 2672, 3145, 3973, 4139, 5456, 5643, 7925 at 8417 na naglalayong paunlarin at isabatas ang isang emergency medical services system sa pambansa, regional at local level.

Nagtatatag naman ng mga pambansang pamantayan para sa mga serbisyong medikal sa emergency, akreditasyon ng mga institusyon, pagsasanay ng mga tauhan, sistema ng pagpapadala ng tulong (emergency dispatch systems) at regulasyon ng mga sasakyang pang-emergency medical.

Sinabi ni Speaker Dy na makatutulong ang nasabing panukala upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa kakayahan ng bansa.

“Kapag may aksidente, biglaang atake sa puso, stroke, o anumang medical emergency, bawat minuto ay mahalaga.

Ang buhay ng isang tao ay hindi dapat nakasalalay sa lokasyon ng kanyang tirahan o kung gaano kabilis makakontak ng ambulansya. Mahalagang magkaroon tayo ng isang maayos, integrated, at standardized emergency medical services system sa buong bansa,” sabi ni Dy.

Binigyang-diin naman ng Chairman ng House Committee on Health na si Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. na sa kabila ng paglulunsad ng isang pambansang emergency hotline isang dekada na ang nakalilipas, kulang pa rin ang Pilipinas sa isang pinag-isa at pamantayang emergency medical services system.

Ayon kay Gato, ang watak-watak na sistema ng mga serbisyong medikal sa emergency ay nagiging dahilan ng mas mabagal na pagtugon, hindi pantay na kalidad ng pangangalaga at mga pagkamatay na maaari sanang naiwasan.