Suspek

Higit P.7M halaga ng shabu at baril, nakumpiska sa kelot sa Las Piñas

Edd Reyes Jun 10, 2026
136 Views

TIMBOG ang 28-anyos na tulak ng ilegal na droga nang makuhanan ng mahigit P.7 milyong halaga ng shabu at baril sa buy-bust operation Miyerkules ng madaling araw sa Las Piñas City.

Nakipag-transaksiyon ang suspek sa mga tauhan ni Las Piñas police chief P/Col. Ricky Neron dakong alas 12:47 ng madaling araw sa Emeral St. Brgy. Taon Singko sa pag-aakalang big-time na buyer ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi, dito na siya inaresto ng mga naka-sibilyang tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na naka-antabay sa lugar.

Tinatayang aabot sa 106.59 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P724,812,00 ang nasamsam ng pulisya sa suspek pati na ang dala niyang sling bag na naglalaman ng hindi lisensiyadong kalibre.380 pistol na may tatlong bala sa magazine at ang markadong salapi na ginamit sa operasyon.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang mga tauhan ng SDEU sa ginawang pagdakip sa suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.