Angeles1 Source: Office of Civil Defense

Gatchalian: P180B pondo maaaring gamitin para sa Mindanao quake response

79 Views

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na maaaring gamitin ng pamahalaan ang P180.482 bilyon sa ilalim ng 2026 national budget para sa emergency response at rehabilitation efforts sa Mindanao matapos ang malakas na lindol na ikinasawi ng ilan at nagdulot ng malaking pinsala sa imprastruktura.

Sinabi ni Gatchalian na dapat agad magamit ang mga pondong ito upang matulungan ang mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng sakuna.

“Ang importante magamit natin agad ang mga pondo na ito dahil marami tayong kababayan na apektado at nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian.

Binanggit niya ang natitirang P17.898 bilyon sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund, na pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan para sa disaster response, relief, rehabilitasyon, rekonstruksyon at recovery efforts.

Sinabi ni Gatchalian na kabilang din sa mga maaaring gamiting pondo ang P32.307 bilyon sa ilalim ng Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units, P15.897 bilyon mula sa Contingent Fund at P8.163 bilyon mula sa Quick Response Fund ng iba’t ibang line agencies.

Ayon pa sa senador, mayroon ding P46.778 bilyon ang Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances program.

Para sa education-related recovery, sinabi ni Gatchalian na may P4.08 bilyon ang Department of Education sa ilalim ng Disaster Preparedness and Response Program nito.

Mayroon din aniyang P67-bilyong alokasyon ang DepEd ngayong taon para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, na maaaring makatulong sa pag-aayos ng mga school facilities na napinsala ng lindol.

“Napakahirap ng sitwasyon ngayon ng ating mga eskwelahan dahil maraming school buildings ang naapektuhan ng lindol. Inaasahan nating magamit agad ang pondong ito para sa kapakanan ng ating mga estudyante sa Mindanao,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na maaari ring gamitin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng lindol ang P1.657 bilyon mula sa DSWD-OSEC, P230.515 milyon mula sa DA-OSEC at P46.882 milyon mula sa DSWD-OSEC sa ilalim ng 2026 national budget.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang agarang paglalabas at paggamit ng available funds habang hinaharap ng mga komunidad ang pinsala sa imprastruktura, pagkaantala ng mga serbisyo at pangangailangan ng mga pamilyang lumikas.