Valenzuela Phooto source: Fire Alert Metro Manila

Valenzuela Gateway Complex tinupok ng apoy, 2 sugatan

Edd Reyes Jun 11, 2026
204 Views
Valenzuela1
Phooto source: Fire Alert Metro Manila

DALAWA ang sugatan habang dalawa pang bumbero ang nahirapang huminga sa makapal na usok sa sunog na sumiklab sa Valenzuela Gateway Complex Huwebes ng umaga sa Valanzuela City.

Kapuwa nagtamo ng 1st degree burn sina alyas “Hasim” 45, at babaing vendor na si alyas “Tatowa” 51, matapos silang madikit sa nagliliyab na lona at plastic habang isinasalba ang mga paninda sa nasusunog nilang puwesto.

Dalawa namang bumbero ang nilapatan kaagad ng pang-unang lunas matapos mahirapang huminga dulot ng nalanghap na makapal na usok habang inaapula ang apoy.

Sa ulat ni Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP), F/Sr. Insp. Steven Olitoquit, nagsimulang sumiklab ang apoy alas-5:40 ng umaga sa isang commercial establishment sa Gateway Complex sa Barangay Paso de Blas na mabilis na kumalat sa magkakatabing establisimiento.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ang apoy ng alas-7:11 hanggang tuluyang maapula ng alas-9:48 ng umaga.

Sa pahayag ng isang security guard ng naturang complex, posible umanong nagmula sa electrical wiring ang apoy dahil may nakita siyang kumislap sa commercial building na pinagmulan ng apoy hanggang mabilis itong kumalat sa mga katabing establisimeinto.

Inaalam pa ng Valenzuela BFP ang halaga ng mga natupok na paninda at ari-arian sa commercial complex.