Chiz Escudero

Senate crisis ‘away sa loob ng iisa’–Sen. Escudero

76 Views

SINABI ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na dapat maresolba ang sigalot sa liderato ng Senado sa pamamagitan ng malinaw na 13 boto o sa pagdulog sa korte.

Ipinaliwanag niya na ang kinakaharap ng Senado ay panloob na krisis at hindi banggaan ng magkakahiwalay na sangay ng pamahalaan.

“Ito away ‘to sa loob ng iisa,” dagdag niya.

May sigalot sa liderato ang Senado matapos ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa liderato at inihalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.

Ayon kay Escudero, umabot sa deadlock ang Senado dahil halos tabla ang bilang ng dalawang panig. Sinabi niya na kailangan ng Senado ng 13 boto para magkaroon ng malinaw na mayorya.

“Klaro na maliwanag ang hidwaan sa pagitan ng dalawang grupo na halos pareho ang bilang,” sabi ni Escudero.

Sinabi niya na sa isang punto ay epektibong nahati sa 11-11 ang Senado kaya hindi umuusad ang trabaho ng kapulungan.

Ipinagtanggol ni Escudero ang kanyang desisyon na dumalo sa sesyon na nagbigay-daan upang makakilos muli ang Senado.

“Ang panig ko mula’t mula hanggang ngayon ay sa Senado,” sabi niya.

Ayon kay Escudero, hindi maaaring magpatuloy ang Senado sa paulit-ulit na adjournment nang hindi maayos na nagbubukas at nagsasara ng sesyon, lalo na dahil ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pag-adjourn ng alinmang kapulungan nang higit sa tatlong araw ng walang pahintulot ng kabilang kapulungan.

Maaaring dalhin sa Korte Suprema ang sigalot kung hindi magkakasundo ang magkatunggaling panig.

Binanggit niya ang Avelino v. Cuenco, isang lumang desisyon ng Korte Suprema, na may kinalaman sa sigalot sa pagkapangulo ng Senado.

Ayon kay Escudero, mas magiging malinaw ang sitwasyon kung alinman sa dalawang panig ay makabubuo ng 13 boto.

“Kung magiging trese ‘yon, mas maliwanag,” sabi niya.

Nangyayari ang sigalot sa liderato habang naghahanda ang Senado na ipagpatuloy ang tungkulin nito bilang impeachment court sa kaso ni Vice President Sara Duterte.

Ang impeachment process ang pangunahing usaping tatakbo sa panahon ng recess, at inaasahang isasagawa ang pre-trial matapos makumpleto ng magkabilang panig ang kanilang pleadings.

Ayon sa kanya, nakatakdang magsimula ang trial sa Hulyo 6, ngunit maaaring maging isyu kung sino ang mamumuno kung hindi pa naaayos ang sigalot sa liderato.

Dapat maging patas ang bawat senador bilang hukom sa impeachment process at idinagdag na hindi pa niya lubusang nababasa ang complaint at answer na inihain sa kaso.

“Wala kasi hindi ko pa nababasa,” sagot ni Escudero nang tanungin kung mayroon siyang kinikilingan sa impeachment proceedings.

Ayon kay Escudero, ang unang prayoridad ng Senado ay ayusin ang sarili nitong tahanan.

“Isaayos ang kanyang tahanan. Para sa akin, ‘yan ang numero unong prayoridad,” sabi niya.

Umapela rin siya sa mga senador na huwag idamay ang mga empleyado ng Senado sa sigalot, dahil nailalagay sa alanganin ang mga kawani dahil sa magkakasalungat na utos at memorandum.

Dapat humanap ng paraan ang mga senador para makapagtrabaho sa kabila ng pagkakaiba sa pulitika, personal na tampuhan at magkakasalungat na posisyon.

“Sa trabaho, magkakasama tayo,” sabi ni Escudero.