Mga senador iniugnay kalayaan sa batayang serbisyo, pananagutan

56 Views

MINARKAHAN ng mga senador ang ika-128 Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng mga mensaheng nag-uugnay sa kalayaan sa batayang serbisyo, pananagutan ng mga institusyon, kabuhayan, serbisyong medikal, pamana at pangangalaga sa kalikasan.

Ginugunita ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan na pagod ang katawan ngunit puno pa rin ng pag-asa ang puso habang patuloy na humaharap ang bansa sa kalamidad, dayuhang panggigipit at korapsyon, ayon kay Sen. Francis Pangilinan.

Ang kalayaang ipinaglaban ng mga ninuno ay patuloy na pinapasan ngayon ng karaniwang Pilipino sa pamamagitan ng kanilang trabaho at buwis.

Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na hindi pa ganap ang kalayaan habang milyon-milyong pamilyang Pilipino ang kapos pa rin sa pagkain, disenteng kita at serbisyong medikal.

“Hindi pa ganap ang kalayaan kung may milyon-milyong pamilyang kinakapos sa pagkain, disenteng kita at serbisyong medikal,” sinabi ni Hontiveros.

Dapat maramdaman ang kalayaan sa bawat tahanan at komunidad, at karapatan ng bawat Pilipino ang pamahalaang nakikinig, maaasahan, mabilis kumilos at hindi nakakalimot sa mga pinakanangangailangan.

Sinabi ni Sen. Loren Legarda na nasusukat ang kalayaan sa paraan ng pamamahala ng bansa, sa mga pinangangalagaan nito at sa interes na pinaglilingkuran nito, habang iniugnay niya ang Araw ng Kalayaan sa mga institusyon, pamana at kalikasan.

“This year’s theme, ‘Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.’, reminds us that freedom is a duty we must live every day,” sinabi ni Legarda.

Ayon kay Legarda, dapat manatiling institusyon ang Senado kung saan tinatalakay ang mga isyu nang walang takot, hinahanap ang katotohanan nang walang pag-aalinlangan at ginagawa ang mga pasya para sa kapakanan ng publiko.

Sinabi rin ni Legarda na dapat masalamin ang kalayaan sa mga patakarang nagpoprotekta sa mga komunidad, sumusuporta sa kabuhayan, nangangalaga sa kultura at nagbabantay sa kalikasan.

“Our heroes fought for our freedom. Our task today is to keep that liberty intact,” sinabi ni Legarda.

Inilabas ng mga senador ang kanilang magkakahiwalay na mensahe kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-128 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.