Senate

Tulfo: Ika-13 boto makukuha namin

54 Views

NAKIKIPAG-usap sa dalawa hanggang tatlong senador mula sa kabilang grupo habang hinahanap ng kampo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang ika-13 boto para maka paghalal ng bagong Senate President, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.

Inamin ni Tulfo na wala pang malinaw na ika-13 boto ang grupo ni Gatchalian pero may ilang senador mula sa kabilang panig na maaaring nais ng makabalik sa trabaho ang Senado.

“But to be honest wala pa talagang malinaw ika nga kung sino nga. But I believe 2-3 ang kinakausap dyan ng kasamahan ko,” sabi ni Tulfo.

Nang tanungin sa estado ng mga pag-uusap, sinabi ni Tulfo na wala pang tiyak na pangako mula sa sinumang senador.

Ayon kay Tulfo, maaaring may ilang senador na napunta lamang sa kabilang grupo dahil sa pulitika ngunit kalaunan ay nakita ang pangangailangang makabalik sa trabaho ang kapulungan.

Binanggit niya ang pagdalo ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa sesyon noong Hunyo 3, kung saan idineklara ng bagong mayorya na bakante ang mga posisyon sa liderato at inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.

“So yan ang nangyayari kay Sen. Chiz kaya sumipot siya doon sa nagkaroon ngayon ng quorum,” sabi ni Tulfo.

Nananatiling pinag-aagawan ang liderato ng Senado matapos ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan nagsisilbing pansamantalang presiding officer si Gatchalian matapos siyang mahalal bilang Senate President Pro Tempore. Nananatili namang kinukuwestiyon ang Senate presidency ni Senador Alan Peter Cayetano.

May mga senador sa kabilang grupo na nais nang pumasok sa trabaho ngunit nangangamba sa posibleng batikos mula sa kanilang kampo at mga tagasuporta kapag sila ay humiwalay.

Hindi na dapat ibaba sa usapin ng political loyalty ang sigalot sa Senado dahil pare-pareho lamang ang problemang nararanasan ng ordinaryong Pilipino.

“It is not anymore DDS ka, Duterte supporter ka, BBM kami or BBM kami eh DDS ka. It is not eh kasi pareho lang naman ang problema,” sabi niya.

Ayon kay Tulfo, parehong nararamdaman ng mga tagasuporta ng magkabilang kampo ang taas-presyo, bayarin sa ospital at iba pang pang-araw-araw na suliranin.

“Yung problema ng DDS problema din ng BBM supporter. Ano yan? Pagkain,” sabi ni Tulfo.

Nanawagan si Tulfo sa mga senador na magtulungan upang makausad ang Senado, at sinabing hindi gagana ang institusyon kung patuloy na naghihilahan ang dalawang panig sa magkasalungat na direksyon.

Dapat bigyan ng pagkakataon ang kasalukuyang kaayusan upang makabalik ang mga senador sa trabaho sa lehislatura at sa mga hakbang na may kaugnayan sa impeachment.