Mendoza

Sasakyan dapat malinis para operator ‘di magmulta–LTFRB

Jun I Legaspi Jun 14, 2026
76 Views

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB sa lahat ng operator ng mga pampasaherong sasakyan na tiyaking malinis ang kanilang mga unit kung ayaw maharap sa kaukulang parusa.

Nag-ugat ang babala matapos maglabas ng show cause order (SCO) ang ahensya laban sa isang taxi operator na nahuling nagpapatakbo ng maruming sasakyan sa Intramuros, Maynila.

“Paalala sa mga operator at driver na ang prangkisa o awtoridad na mag-operate ay isang pribilehiyo na may kaakibat na responsibilidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ligtas at malinis ang bawat unit,” ani LTFRB Chairman Vigor Mendoza.

Dagdag pa niya, hindi lamang paglabag sa mga patakaran ang pagpapabiyahe ng maruming sasakyan kundi kawalan din ng paggalang sa mga pasahero.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga commuter.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang prangkisa dahil sa paglabag.

Ipinadala rin ang naturang taxi sa LTFRB Central Office para sa inspeksyon sa Hunyo 15 at nakatakda ang pagdinig ng kaso sa Hunyo 30.

Binigyang-diin ni Chairman Vigor na ang hindi pagsunod sa SCO ay maaaring magresulta sa pagdedesisyon ng LTFRB batay sa mga ebidensyang hawak nito bukod pa sa multang P5,000.