Calendar
Ridon: Nasa Senado kung nakadetineng ssenator-judges dadalo, pero trial di dapat ma-delay
SINABI noong Linggo ni House impeachment prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon na hindi dapat maging dahilan ang mga usapin sa pagdalo ng mga nakadetineng senator-judges o mga senador na may kinahaharap na kaso upang maantala ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.
Sa panayam sa programang Bantay Balita sa Kongreso ng dzBB kasama sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali, sinabi ni Ridon na igagalang ng House prosecution panel ang anumang magiging pasya ng Senate impeachment court at ng Sandiganbayan hinggil sa posibleng pagdalo ng mga senador, kabilang si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada. Gayunman, iginiit niyang dapat manatiling nakatakda ang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.
“Yung pag-urong ng impeachment trial, I think out of the question po ‘yan. Tingin ko hindi dapat mausog ‘yung trial dates just because kailangan lang po ng senator-judge na ayusin itong kanila pong supposed suspension sa Sandiganbayan,” ani Ridon, na siya ring chairman ng House Committee on Public Accounts.
Lumutang ang isyu matapos talakayin ni Sen. Panfilo Lacson sa naturang programa ang mga posibleng sitwasyon na maaaring kaharapin ng mga senator-judges na nakadetine, may kinahaharap na kaso, o apektado ng mga proseso sa Sandiganbayan.
Ayon kay Ridon, walang pagtutol ang House prosecution panel kung hihingi ng pahintulot ang Senate impeachment court sa Sandiganbayan upang payagan ang isang senator-judge na makadalo sa paglilitis. Aniya, igagalang din nila kung sakaling hindi ito pahintulutan.
Ngunit nilinaw niyang tututol ang prosekusyon kung gagamitin ang usapin bilang dahilan upang ipagpaliban ang nakatakdang paglilitis.
Dagdag pa niya, ang mga nakadetineng senator-judges o yaong may mga usapin sa Sandiganbayan ay dapat harapin ang kani-kanilang mga kaso nang hiwalay. Hindi aniya dapat maantala ang impeachment trial dahil sa kanilang personal na sitwasyong legal.
Sinabi rin ni Ridon na maaaring balikan ng Senate impeachment court ang mga nakaraang karanasan kaugnay ng mga senador na nakulong o nadetine noon.
“Hindi naman ho unang beses na nagkaroon po ng mga napiit na mga senador. So kailangan natin balikan, ano ba estado ng kanilang participation sa Senado, nung po napiit ang ilan pong partikular na senador,” ani Ridon.
Ayon pa sa kanya, nasa kapangyarihan ng Senate impeachment court na magpasya kung maaari pa ring bumoto ang isang senator-judge na hindi nakadalo o nakilahok sa kabuuan ng paglilitis.
Para sa House prosecution panel, sinabi ni Ridon na hindi nagbabago ang kanilang tungkulin: ang mahikayat ang 16 na senator-judges batay sa mga ebidensiyang kanilang ihaharap. Aniya, ang mga personal na kalagayan ng sinumang senator-judge ay hindi nakaaapekto sa obligasyon ng prosekusyon na maipakita ang kanilang kaso.
Binigyang-diin ni Ridon na ang agarang prayoridad ay maisagawa ang nakatakdang pre-trial proceedings at ang pagsisimula ng paglilitis. Itinakda ng Senate impeachment court ang mga pagdinig sa Hunyo 18, habang nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Hulyo 6.
Aniya, dadalo ang House prosecutors sa mga itinakdang petsa at ipagpapatuloy ang proseso.
Dagdag pa niya, ang mga usaping procedural tungkol sa pagdalo, pakikilahok, at pagboto ng mga senator-judges ay maaaring resolbahin ng Senate impeachment court.
Ang hindi dapat mangyari, aniya, ay ang muling pagkaantala ng isang kasong nakatakda nang litisin.
“Kailangan magsimula ang paglilitis sa July 6,” diin ni Ridon.

