Commercial flights tuloy na uli sa GenSan airport sa Lunes

Jun I Legaspi Jun 14, 2026
40 Views

BALIK na ang commercial operations at commercial flights sa General Santos International Airport sa Hunyo 15, ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pagkukumpuni sa paliparan na na-damage ng nagdaang lindol.

Nangako si Transportation Secretary Giovanni Lopez na muling bubuksan ang commercial operations ng GenSan Airport sa loob ng isang linggo matapos ang lindol noong Hunyo 8.

“Nagsagawa na ang DOTr at CAAP ng kumpletong safety assessment, at nakumpirma na maaari nang ipagpatuloy bukas ang commercial operations sa GenSan Airport upang hindi na maantala ang biyahe ng ating mga pasahero,” ani Lopez.

Nakipagpulong din ang CAAP sa mga airline operators, stakeholders ng paliparan, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na operasyon ng General Santos Airport.