Calendar
50 endangered tortoises nasabat, itinago sa bagahe mula Bangkok

MATAGUMPAY na nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang limampung buhay na endangered tortoises na itinago sa bagahe ng isang Malaysian na pasahero mula Bangkok noong 12 Hunyo 2026.
Nakita ang naturang kargamento matapos ma-flag ang bagahe sa x-ray screening at isailalim sa 100% physical examination, kung saan natuklasan ang mga tortoise na nakatago sa loob. Ang mga species ay nakilalang Radiated Tortoises at Indian Star Tortoises, na parehong protektado sa ilalim ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).
Agad na nakipag-ugnayan ang BOC sa Environmental Protection and Compliance Division (EPCD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Bureau of Animal Industry (BAI). Ang mga nasabat na hayop ay naidokumento, na-inventory, at na-turn over sa DENR para sa tamang pangangalaga.
Ang pasahero ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC at sumasailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) at kaukulang probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).
Pinuri ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang koordinadong aksyon ng Port of NAIA, Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), EPCD, at mga katuwang na ahensya.
“Hindi natin hahayaang maging daanan ang ating mga paliparan para sa illegal wildlife trade. Patuloy nating paiigtingin ang pagbabantay sa ating borders, katuwang ang ibang ahensya, upang maprotektahan ang ating kalikasan at mapanagot ang mga lumalabag sa batas,” ani Commissioner Nepomuceno.
Ang BOC-NAIA, sa pamumuno ni District Collector Yasmin Mapa, ay nananatiling nakatuon sa pagpapalakas ng border controls at pagpigil sa wildlife smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

