Tulfo1

Sen. tulfo itinanggi Blue Ribbon hearing na inanunsyo ni Defensor

34 Views

NILINAW ni Sen. Erwin Tulfo na walang nakatakdang pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa Hunyo 16 kasunod ng anunsyo ni ex-congressman Mike Defensor na may hearing na gaganapin sa labas ng Senado.

Walang awtoridad si Defensor na mag-anunsyo ng anumang pagdinig para sa Senate panel, ayon sa senador.

“The committee wishes to clarify that the recent announcements made by former congressman Mike Defensor regarding an alleged hearing on said date were made without the authority and approval of the committee,” pahayag ni Tulfo sa kanyang nilagdaang statement.

Inilabas ni Tulfo ang paglilinaw matapos ianunsyo ni Defensor na may umano’y Blue Ribbon hearing sa Hunyo 16 sa DoubleGem EDSA Garden Events Place sa halip na sa loob ng Senado.

Nanawagan din si Defensor sa publiko na suportahan ang tinawag niyang “Brave 18” at iba pang indibidwal na tinutukoy bilang “maleta boys,” na iniuugnay sa flood control controversy.

Ayon kay Tulfo, hindi sumunod sa mga alituntunin ng Senado ang sinasabing hearing.

Binigyang-diin niya na kailangan ng pormal na notice, agenda, at awtorisasyon mula sa komite bago maituring na opisyal na legislative proceeding ang anumang pagdinig.

Giit ni Tulfo, hindi senador si Defensor at hindi rin miyembro ng Blue Ribbon Committee kaya wala itong legal standing para mag-anunsyo, magtakda o kumatawan sa anumang pagdinig ng panel.

“The Blue Ribbon Committee will not permit its name and institutional integrity to be misrepresented or utilized for unauthorized disclosures,” sabi ni Tulfo.

Sakop ng Blue Ribbon probe ang mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects, kabilang ang umano’y ghost projects, overpricing, kickbacks, at paggamit ng mga courier para maghatid ng pera sa ilang opisyal.

Nakasentro rin ang kontrobersiya sa 18 indibidwal na nagsabing naghatid sila ng mga maletang puno ng pera sa ilang personalidad.

Iginiit ni Tulfo na dapat dumaan ang imbestigasyon sa tamang proseso ng Senado, kung saan ang mga testigo ay haharap sa awtorisadong komite, magsusumite ng ebidensya, at sasagot sa mga tanong sa ilalim ng panunumpa.

Malinaw sa pahayag ni Tulfo na anumang pagtitipon na inanunsyo ng isang pribadong indibidwal o dating mambabatas sa labas ng Senado ay hindi kikilalaning opisyal na Blue Ribbon Committee hearing kung hindi ito awtorisado ng panel.

Ang agarang tanong ay kung matutuloy bilang pribadong pagtitipon ang Hunyo 16 event na inanunsyo ni Defensor, at kung haharap ba kalaunan sa opisyal na Senate Blue Ribbon Committee ang mga indibidwal na kanyang inimbitahan.

Ipinapakita rin ng isyu ang nagpapatuloy na pagtatalo kung sino ang may awtoridad na magsagawa ng opisyal na pagdinig ng Senado habang nakabinbin ang flood control investigation.