6.6 na lindol tumama sa Mindanao

40 Views

MULING niyanig ng lindol ang Mindanao matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang magnitude-6.6 na lindol sa Davao Oriental noong Lunes.

Batay sa ulat ng Phivolcs, naganap ang lindol dakong alas-5:18 ng hapon sa lalim na 86 kilometro.

Natukoy ang epicenter sa layong 164 kilometro timog-silangan ng Gov. Generoso, Davao Oriental.

Naramdaman ang lindol sa intensity II sa Digos City, Davao del Sur; Malungon, Sarangani; at Koronadal City at Tupi, South Cotabato.

Intensity I naman sa Magsaysay, Davao del Sur; Sta. Maria, Davao Occidental; Nabunturan, Davao de Oro; Kiamba, Malapatan at Maasim, Sarangani; at T’boli, South Cotabato.

Ayon sa Phivolcs, posibleng may kaugnayan ang pagyanig sa magnitude-7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.

Wala pang naiulat na nasirang imprastraktura o nasaktan sa insidente ngunit nagbabala ang Phivolcs na maaari pang makaranas ng mga kasunod na pagyanig sa mga susunod na oras o araw.