Rep. Barbers

Ex-Rep. Barbers: Unahin ang bayan ‘wag ang pagpapasikat

Mar Rodriguez Jun 16, 2026
35 Views

ANG bayan muna ang unahin saka na ang pagpapasikat.”

Ito ang payo ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mga senador dahil tungkulin ng mga ito na magsilbi sa bansa at hindi ang pamumulitika at isulong ang pansariling interes.

Ayon kay Barbers, dapat isantabi muna ng ilang senador ang pagpapasikat at pagsusulong ng kanilang sariling interes at tutukan ang kanilang trabaho para matulungan ang maraming mamamayan na dumaranas ng katakot-takot na pagdurusa dulot ng kasalukuyang krisis.

“Ang paghawak ng isang impeachment trial ay isang tungkuling itinakda ng Konstitusyon sa Senado. Katumbas ito ng kahalagahan ng kanilang gawaing pambatas dahil ang taumbayan ang mismong humihingi ng pananagutan mula sa mga nagsisilbi sa kanila,” paliwanag ni Barbers.

Ang nakatakdang pagdinig sa impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte, sabi pa ni Barbers, ay hindi tungkol sa mga personalidad, alyansang pampulitika, o agawan sa pamumuno kundi tungkol sa pananagutan at angkop na proseso ng batas.

“Bagamat ang mga pagbabago sa pamumuno sa Senado ay maaaring magdulot ng impresyon ng kawalan ng katatagan sa pulitika, ang utos ng Konstitusyon sa Senado ay nananatiling walang pagbabago,” pahayag ng senador.

Hinamon ng dating kongresista ang lahat ng senador na lampasan ang mga makapartidong konsiderasyon at patunayan na ang ating mga demokratikong institusyon ay mas matatag kaysa sa mga pampulitikang pagkakabaha-bahagi.

“Sa kritikal na sandaling ito, ang buong bansa ay nakatutok. Dapat patunayan ng Senado na walang sigalot sa pamumuno at walang pampulitikang alyansa,” sabi pa ni Barbers.