Calendar
Gatchalian: Legal action vs Defensor pinag-aaralan
SINABI ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na walang awtoridad si dating congressman Mike Defensor na gamitin ang pangalan ng Senado at Blue Ribbon Committee sa pag-anunsyo ng umano’y hearing sa labas ng Senado.
“Niloloko niya ang taong bayan, hindi naman siya senador at ginagamit niya ang pangalan ng Senado at ng Blue Ribbon Committee nang walang awtoridad. Hindi tama ’yan dahil panloloko ang ginagawa,” sinabi ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, pinag-aaralan nila ang posibleng legal action laban kay Defensor kaugnay ng anunsyo ng umano’y Senate Blue Ribbon hearing.
Nang tanungin kung bakit si Defensor ang gumawa ng anunsyo, sinabi ni Gatchalian na hindi niya alam.
“Tingin ko para lokohin ang tao at dahil pag naloko ang tao, tingin nila official ’yan,” sinabi niya.
Nauna nang itinanggi ng Tulfo-led Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y June 16 hearing at sinabing walang nakatakdang opisyal na pagdinig.
Inanunsyo umano ang aktibidad bilang Blue Ribbon hearing sa isang venue sa Mandaluyong City kung saan inaasahang haharap ang ilang umano’y testigo sa flood control controversy.
Ginawa ang anunsyo nang walang authority at approval at pinayuhan ang publiko na huwag itong paniwalaan.
Kinuwestiyon din ni Tulfo ang legal standing ni Defensor na mag-anunsyo ng anumang proceeding para sa Senado.
Hindi pa niya nakakausap sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Pia Cayetano tungkol sa usapin dahil nakatutok siya sa Senate security concerns nitong mga nakaraang araw.
“These past few days I was busy doing all the security aspects just to make sure safe ang building,” sinabi niya.
Nakikipag-ugnayan siya kay Sen. Erwin Tulfo tungkol sa posibleng legal steps kaugnay ng anunsyo ni Defensor.

