Calendar
Source: LTO
LTO binalaan mga pribadong motorista vs illegal na paggamit ng red, blue blinkers
BINALAAN ng Land Transportation Office ang mga pribadong motorista laban sa pagkakabit o paggamit ng unauthorized red at blue blinking lights, na ayon sa ahensya ay nakalaan lamang sa mga sasakyang may awtoridad at ginagamit sa pagseserbisyo sa publiko.
Ginawa ng LTO ang babala matapos mag-isyu ng Show Cause Order sa rehistradong may-ari at drayber ng isang Toyota Land Cruiser Prado na umano’y nakitang gumagamit ng red at blue front-mounted blinking lights sa pampublikong lansangan sa isang video.
Pinahaharap ng LTO ang rehistradong may-ari at drayber sa Intelligence and Investigation Division nito sa Hulyo 1, 2026, upang magsumite ng paliwanag kaugnay ng insidente.
“Ang mga pula at asul na blinking lights ay hindi aksesoryang maaaring ikabit basta-basta sa pribadong sasakyan. Nakalaan lamang ang mga ito sa mga sasakyang may awtoridad at may malinaw na gamit sa pagseserbisyo sa publiko,” ani LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
“Kapag ginamit ito ng mga pribadong sasakyan, nagkakaroon ng maling impresyon na maaari silang bigyan ng prayoridad o espesyal na pagtrato sa kalsada, bagay na mahigpit nating binabantayan at inaaksyunan,” dagdag niya.
Ayon sa LTO, maaaring maharap ang rehistradong may-ari at drayber sa posibleng paglabag gaya ng reckless driving, operating a motor vehicle with unauthorized accessories, at pagdedeklara sa drayber bilang improper person to operate a motor vehicle.
Sinabi ng ahensya na inilagay na sa alarm status ang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon pa sa LTO, isasailalim sa 90-day preventive suspension ang lisensya ng drayber kapag natukoy ang pagkakakilanlan nito sa pagdinig. Aatasan din ang drayber na isuko ang lisensya sa LTO-IID.
Sinabi ng ahensya na patuloy nitong babantayan ang paggamit ng illegal blinkers at iba pang unauthorized vehicle accessories upang maiwasan ang kalituhan sa mga motorista at mapalakas ang pagsunod sa traffic laws at road regulations.
