LTFRB

Pamimigay ng ayuda sa krudo pinabilis ng LTFRB chairman

Jun I Legaspi Apr 27, 2026
51 Views

NAKIPAGPULONG sa mga transport leaders at operator sa Ilocos at Cordillera Administrative Region (CAR) noong upang pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga natitirang benepisyaryo si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor Mendoza II.

Sa Ilocos, iniabot ni Chairman Mendoza sa 14 na public utility bus operators ang P447,000 na halaga ng fuel subsidy para ipamahagi sa kanilang mga tsuper sa rehiyon.

Samantala, sa CAR ay nakipagpulong siya sa mga lider ng jeepney, bus, taxi, at TNVS groups upang ipaliwanag ang bagong estratehiya sa pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para sa mga natitirang benepisyaryo.

“Layunin nating matapos ang pamamahagi ng fuel subsidy sa susunod na linggo. Kaya’t nagpatupad tayo ng mga hakbang upang mapabilis ang proseso,” sabi ng LTFRB chairman.

Kabilang sa bagong hakbang ang pag-isyu ng mga tseke sa transport service entities upang sila na ang mamahala sa pamamahagi sa kanilang mga miyembro.

“Ginagawa natin ang lahat ng paraan upang mabilis na maipasa ang pondo sa mga benepisyaryo. Kaya’t nagpapasalamat tayo sa kooperasyon ng mga transport groups at service entities,” dagdag pa ni Mendoza.