PNP nagbabala ukol sa ‘copycat threats’

Alfred Dalizon Jun 29, 2026
34 Views

NAGBABALA si Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Allen Rae Co tungkol sa mga tinatawag na “copycat threats” sa mga paaralan.

“This should stop. Kung ito may ay prank, nakaka-disrupt ng buhay ng mga estudyante and creates fear. It’s not funny anymore. Hindi nakakatawa. Nakalulungkot ito,” paliwanag ni Co.

Ayon sa kanya, walang pinagkaiba ang copycat threats sa mga bomb hoax sa mga eskwela at universities na naglalayong maghasik ng takot.

Sinabi ni Co na dadami malamang ang ganitong hindi magandang biro na nagsimula sa Facebook page ng isang paaralan sa Batangas City na nagbabala na mananaksak ng mga estudyante.

‘Babarilin o sasaksakin ko kayo mga Grades 6, 7, 8, 9 and 10. Grade 10 ako. Hindi niyo ako kilala. Binu-bully niyo ako,” sabi sa message na ipanadala alas-10 ng umaga noong Linggo.

Nagsimula ang mga ganoong prank pagkatapos ng pamamaril sa Tacloban National High School na tatlong estudyante ang namatay at 20 pa ang nasugatan matapos ang pamamaril.

Noong nakalipas na linggo, napigilan ang madugong insidente sa Tolosa National High School sa Leyte nang mahanap ng mga elemento ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang 14-anyos na nananakot.

“Hindi kami basta-basta pwedeng pumasok sa mga schools since we’re armed. Pero we can’t do it alone. We need the help of the LGUs, the community, school authorities here. We’re also calling on school authorities, the parents to be more active, be digital guardians,” sabi ni Co.