LTO naglabas ng SCO vs rider, truck wrecker driver, driving instructor

61 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office ng show cause orders (SCOs) laban sa rider na umano’y nag-counterflow at gumamit ng unauthorized blinker, truck wrecker driver na umano’y nagsakay ng mga pasahero sa likuran ng sasakyan at driving school instructor na umano’y nahuling nagmomotorsiklo nang walang helmet at naka-tsinelas.

Sa isang kaso, naglabas ang LTO ng SCO laban sa rehistradong may-ari at rider ng Yamaha NMAX matapos lumabas sa viral video na umano’y nag-counterflow ang rider habang may sakay na pasahero.

Ayon sa LTO, iniimbestigahan ang rider dahil sa mga posibleng paglabag, kabilang ang reckless driving for unauthorized accessories, driving against the flow of traffic at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Naglabas din ang LTO ng SCO laban sa driver at rehistradong may-ari ng isang Isuzu truck wrecker matapos lumabas sa video na umano’y may tatlong pasaherong nakasakay sa likurang bahagi ng sasakyan habang bumibiyahe ito sa pampublikong kalsada.

Inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya, na isinailalim sa 90-day preventive suspension habang dinidinig ang kaso. Inilagay din sa alarm status ang truck wrecker.

“Hindi dinisenyo ang truck wrecker para magsakay ng mga pasahero sa likurang bahagi nito. Kapag pinayagan natin ang ganitong gawain, para na rin nating hinahayaan na malagay sa panganib ang buhay ng mga tao. Hindi natin hihintayin na may masaktan o may mamatay bago tayo kumilos,” ani LTO chief Marcus Lacanilao.

Naglabas din ang LTO ng SCO sa isang motorcycle rider na kalauna’y na-verify na driving school instructor matapos ang isang larawang umano’y nagpapakitang nagmamaneho siya nang walang helmet, naka-tsinelas at may suot na damit na may markang “Instructor.”

Pinapaliwanag ang rider kung bakit hindi siya dapat panagutin sa mga posibleng paglabag, kabilang ang reckless driving, paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act, at pagbabawal sa pagsusuot ng tsinelas habang nagmamaneho ng motorsiklo.