LTO pinatawag jeepney, pickup drivers sa magkahiwalay na passenger safety cases

67 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office ng show cause order (SCO) laban sa jeepney driver matapos mahulog ang pasahero mula sa sasakyan at sa pickup driver na umano’y nagsakay ng mga estudyante sa cargo bed ng truck.

Ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang mga aksyon.

Sa isang kaso, naglabas ang LTO ng SCO laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang jeepney matapos umanong makita sa viral video na nag-swerve ang sasakyan habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada.

Ayon sa LTO, nahulog ang isang pasahero mula sa jeepney at nasugatan. Lumabas sa imbestigasyon na umano’y hindi huminto ang driver upang tulungan ang pasahero matapos ang insidente.

Pinapaliwanag ang rehistradong may-ari o operator kaugnay ng posibleng paglabag na employing reckless, insolent, discourteous or arrogant driver.

Pinapaliwanag din ang jeepney driver kung bakit hindi siya dapat managot sa mga posibleng paglabag, kabilang ang reckless driving at duty of driver in case of accident, at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Inatasan ng LTO ang driver na isuko ang kanyang lisensya, na isinailalim sa 90-day preventive suspension habang dinidinig ang kaso. Inilagay din sa alarm ang jeepney upang hindi ito mailipat o maisailalim sa anumang transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa hiwalay na kaso, naglabas din ang LTO ng SCO laban sa rehistradong may-ari at driver ng Toyota Hilux matapos makita ang mga estudyanteng nakasakay sa cargo bed ng pickup habang bumibiyahe ito sa pampublikong kalsada.

Ayon sa ahensya, makikita sa larawan ang mga estudyanteng nagsisiksikan sa likurang bahagi ng sasakyan nang walang nakikitang safety restraints.

Sinabi rin ng ahensya na natuklasang hindi rehistrado ang sasakyan, kaya isinama sa mga posibleng paglabag ang driving an unregistered motor vehicle.

Isinailalim din sa 90-day preventive suspension ang driver’s license ng pickup driver at inatasan siyang isuko ito sa LTO Intelligence and Investigation Division. Inilagay sa alarm ang sasakyan habang nakabinbin ang imbestigasyon.