Rep. Hontiveros

Hontiveros: Impeachment court dapat magpasya sa vote-count issue

33 Views

ANG impeachment court mismo ang dapat magpasya sa mga tanong kung ilang boto ang kailangan para ma-convict o ma-acquit si Vice President Sara Duterte, lalo na kung may ilang senator-judges na hindi makalahok sa paglilitis, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

“I can’t say yet. I think top of mind for people ay ilan ang kailangan para mag-convict or para mag-acquit. But that is a question that would have to be discussed by the impeachment trial court itself,” ani Hontiveros.

Lumutang ang usapin dahil nakasaad sa Konstitusyon na kailangan ang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.

May mga tanong kung paano ito iaangkop kung may senator-judges na nakakulong, suspendido, absent o hindi makaboto.

“Iyon na nga yung tanong na nagsulputan na yung iba at ibang legal opinions at kailangan masettle namin doon sa impeachment trial court,” ani Hontiveros.

Hindi sinabi ni Hontiveros kung ano dapat ang final number, at iginiit na ang impeachment court ang dapat magpasya kung paano iaangkop ang constitutional requirement sa ganitong sitwasyon.

Kailangang gampanan ng Senado ang tungkulin nito bilang legislative body at bilang impeachment court, habang may magkakahiwalay na legal at judicial processes na gumugulong kaugnay ng ilang senador.

Tinanggihan din ni Hontiveros ang mga pahayag na isa-isang tina-target sa pamamagitan ng mga kaso ang mga senador na kaalyado ni Duterte.

Matagal nang gumugulong ang mga legal na usapin na kinasasangkutan ng ilang senador at hindi ito biglaang nangyari dahil papalapit ang impeachment trial.

“Kasi kahit alin sa mga legal troubles or woes na yan, yung mga kasong iyan, and you did mention also one of our colleagues, even in the majority, umaandar yan over the past few years already, hindi biglaan ngayon dahil palapit na ang isang importanteng and institutional process,” ani Hontiveros.

Si Senate President Sherwin Gatchalian ang inaasahang magbubukas ng impeachment trial, habang pinapayagan ng amended rules na magtalaga ang presiding officer ng ibang senator-judge upang mamuno sa isa o ilang sessions.

Sinabi rin niya na anumang ruling ng presiding officer ay maaari pa ring kuwestiyunin ng senator-judges at pagpasiyahan ng impeachment court.