Lacson

Senate court maaaring maharap sa grave abuse of discretion ukol sa pasya ukol sa BIR Box

43 Views

NAGBABALA si Senator Panfilo “Ping” Lacson na maaaring maharap sa akusasyon ng grave abuse of discretion ang Senate impeachment court kung magpapasya ito kung ano ang gagawin sa tinatawag na BIR Green Box nang hindi sumusunod sa batas.

Sinabi ni Lacson na ang kahon, na naglalaman ng sealed Bureau of Internal Revenue income tax return records ni Vice President Sara Duterte, ay dapat hawakan batay sa batas at umiiral na jurisprudence.

“The decision on the status of the sealed BIR ITR records will be dictated by law and existing jurisprudence. The Impeachment Court will not and cannot be above the law. No one else is,” sinabi ni Lacson.

Ang BIR Green Box ay tumutukoy sa sealed tax records na pinag-uusapan kaugnay ng impeachment trial ni Duterte.

Ayon kay Lacson, isang paraan para mabuksan ang mga rekord ay ang written waiver mula sa respondent.

Binanggit din niya ang Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code upang ipaliwanag kung bakit kailangang maging maingat ang impeachment court sa paghawak sa kahon.

Sa ilalim ng Section 71, ang income tax returns ay public records at maaaring buksan para sa inspection kapag may utos ng Pangulo, sa ilalim ng mga patakarang itinakda ng Secretary of Finance batay sa rekomendasyon ng BIR commissioner.

Sa ilalim naman ng Section 270, may parusa sa BIR personnel na magbubunyag ng taxpayer information, kabilang ang trade secrets at confidential information.

Nauna nang sinabi ni Lacson na maaaring isauli ng impeachment court ang kahon sa House prosecution team dahil hindi ito ang dapat maging custodian nito.

Nakatakdang buksan ng Senate impeachment court ang paglilitis kay Duterte sa Lunes.