Calendar
Ex-CoS ni VP Sara sasalang sa impeachment trial
IHAHARAP ng House prosecution panel sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment court ang dating Chief of Staff (COS) ni Vice President Sara Z. Duterte na si Atty. Zuleika Lopez para sa patuloy na paglalatag ng ebidensya sa harap ng Senate impeachment court.
Kinumpirma ang naturang iskedyul matapos linawin ni House prosecutor at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor ang listahan ng mga testigong ihaharap sa susunod na yugto ng paglilitis.
Magbibigay ng testimonya si Lopez matapos si Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa muling pagdinig ng paglilitis sa Lunes, Hulyo 13.
Sinabi rin ni Defensor na hindi muna kabilang sa listahan ng mga testigo sa susunod na linggo si NBI Director Melvin Matibag.
Matapos ang pahayag ng prosekusyon, iniutos ni Escudero ang pag-isyu ng “subpoena” sa mga testigo para sa mga pagdinig sa Hulyo 13 hanggang 15.
Nauna nang sinabi ng prosekusyon na balak nitong gamitin ang lahat ng 11 araw ng paglilitis na inilaan para sa presentasyon ng ebidensya kaugnay ng ikaapat na Artikulo ng Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng “culpable violation of the Constitution” at betrayal of public trust dahil sa umano’y grave threats laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang mga pagdinig sa susunod na linggo ay kasunod ng pagtatapos ng dalawang araw na testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na naglatag ng pundasyon ng ebidensya ng prosekusyon para sa Article IV.
Kinilala ni Calilung ang authenticated video at transcript ng livestream ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, mga screenshot na kinuha mula sa naturang video, at mga opisyal na pahayag ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang tugon sa kanyang mga sinabi.
Samantala, inaasahang magbibigay-liwanag si Lopez sa mga pangyayaring may kaugnayan sa kanyang pagkakadetine sa ilalim ng House Committee on Good Government and Public Accountability, gayundin sa mga pangyayaring naganap bago ang livestream ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, na bahagi ng ebidensyang inihaharap ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV.

